Inaresto at ikinulong ng mga pulis sa Marikina ang isang 32-anyos na babae kaugnay ng isinampang kaso ng isang babae na ipinakalat umano ng suspek ang maselan niyang mga larawan. Ayon sa awtoridad, pinaghinalaan ng misis na kalaguyo ng kaniyang mister ang biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng pulisya na nangyari umano ang pagpapakalat ng suspek sa mga larawan ng biktima noon Enero 2021.
“Ito po kasi ay nag-ugat sa kaniyang pagdududa sa kaniyang asawa na ito ay may karelasyon. Eventually, napatunayan nga niya na mayroon nga itong medyo kinahuhumalingan na ibang babae. At doon mismo niya nakita sa cellphone ng lalaki na may mga hindi magandang pictures, na kung saan nagkaroon siya ng galit at saka sama ng loob kaya niya sinend sa mga kamag-anak nitong biktima,” ayon kay Marikina City Police chief Police Colonel Jenny Tecson.
Nagsampa ng kaso ang biktima laban sa suspek, hanggang sa maaresto ng mga awtoridad sa Barangay Laging Handa sa Quezon City. Pero giit ng suspek, hindi siya nagtago.
“Balak niya rin sumuko sana, naunahan lang natin siya,” ani Tecson patungkol sa paglabas ng arrest warrant.
Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag sa media pero inamin umano nito sa pulisya ang pagpapakalat ng mga larawan ng biktima.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Safe Spaces Act at Cybercrime Prevention Act of 2012.—FRJ GMA Integrated News
