Sapul sa CCTV ang panloloob ng isang lalaki sa isang tindahan, kung saan tinangka pa ng salarin na magmano sa nagising na lolang biktima sa Barangay Daang Bakal, Mandaluyong City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkules, na-hulicam ang paglalakad ng dalawang lalaki, na kapwa tumigil sa tapat ng isang tindahan at bahay nitong Sabado nang umaga.

Sa CCTV naman ng tindahan, mapanonood ang isa sa mga lalaki na pasulyap-sulyap sa may pintuan habang natutulog ang isang 71-anyos na lola sa tindahan.

Ilang saglit pa, pumasok sa loob ang lalaki't tila may kinuhang gamit na agad niyang itinago sa shorts bago nagmadaling lumabas.

Naglakad-lakad ang dalawang lalaki, habang nagsilbing lookout ang isa sa kanila.

Muling pumasok ang nanloob na lalaki. Kinuha niya ang cash box pero ibinalik nang biglang may dumaang tao sa labas ng bahay.

Nagtago pa ang lalaki sa may paanan ng natutulog na lola.

Pagkaising ng lola, sinubukan pang magmano ng lalaki't saka siya lumabas. Maya-maya, lumabas ang lola't tinangkang habulin ang mga lalaking nanloob sa tindahan.

Ayon sa biktima, nakuha ng mga suspek ang kaniyang cellphone na nagkakahalaga ng halos P30,000.

Naglalaman naman ng mahigit P10,000 ang cash box na tinangka ring nakawin, mula sa maghapong benta sa kanilang tindahan.

"Nu'ng nakaidlip ako, may biglang pumasok. Ay hindi ko naman siya kilala kung sino siya. Tapos mga ilang minuto nagising na ako. Tapos nandito na siya sa tabi ko. Nakaupo, tapos magmamano siya. Sabi ko sa kaniya, 'Anak ng, sino ka?' Tapos bigla na lang siyang lumabas," kuwento ng lola.

"Nagulat nga ako, tapos kinabahan nga ako eh. Mabuti nga po at walang nangyari sa akin," dagdag ng biktima.

Nai-report na sa barangay at pulisya ang insidente.

Natuklasang dati nang nasangkot umano sa mga pagnanakaw sa ilang barangay sa Mandaluyong ang mga suspek.

"Noong nangyari 'yan, nag-follow-up operation agad ang police natin kasama ang barangay. Nag-coordinate kami sa Addition Hills, kasi doon nakatira sila eh. Nakulong na 'yan, kaya ma-identify na 'yung pangalan, 'di lang mukha, pangalan kung saan nakatira," sabi ni Angelo Barretto, kagawad ng Barangay Daang Bakal.

Patuloy ang paghahanap ng awtoridad sa mga suspek. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News