Emosyonal ang driver na nag-viral dahil sa panggugulpi sa kapwa driver sa Cainta, Rizal, matapos siyang patawan ng Land Transportation Office ng habambuhay na pagbawi sa kaniyang lisensiya. Ang nakaaway niya namang driver, suspendido ng 90 araw ang lisensiya.

“Habambuhay, ma'am, ang sabi nila, magpa-ano raw sa abogado. Abogado, wala akong pera, ma'am. Mahirap lang kami,” sabi ng emosyonal na si Mike sa panayam sa kaniya ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Biyernes.

Inirekomenda ng hepe ng LTO ang perpetual revocation o habambuhay na pagbawi sa kaniyang driver's license.

Si Mike ang nakuhanan sa viral video na sumusuntok hanggang sa bumagsak ang nakaaway niyang driver na naglabas naman ng baseball bat.

Ayon kay Mike, ginitgit siya hanggang sa humantong ito sa murahan nila ng kapwa driver, na mapanonood sa video na ibinigay niya sa GMA Integrated News.

Makikita sa video na huminto rin at bumaba ng sasakyan ang kaniyang kaalitan.

Aalis na sana si Mike para makaiwas.

“Habang papaandar ako, ma'am, nakita ko 'yung baseball bat 'yung binunot niya. Sabi ko, sa isip-isip ko, buti baseball bat lang. Ngayon, akala ko hindi papalo. Pumunta siya ng gitna, ma'am. Inabangan niya 'yung pagdaan ko. Pinalo niya ng ganiyan 'yung kotse ko, ma'am,” sabi ni Mike.

Kaya binaba niya ang driver at sinuntok na niya ito.

Kalaunan, humingi siya ng paumanhin sa nakaalitang driver.

“Sir, pasensiya ka na talaga, sir. ‘Di ko naman talaga gusto mangyari sa iyo, sir. Ako, sir, nagpapakumbaba ako, simula’t una pa lang, sir. Pagtapos mangyari nu’n, sir. Nagpapakumbaba ako sa inyo, sir. Talagang sir, pasensiya ka na sa nangyari talaga. Kasalanan ko naman eh. Pero di ko naman ginusto, alam mo 'yun eh. Talagang na-trigger na lang din ako,” sabi ni Mike.

Hindi kumbinsido ang LTO sa kaniyang paliwanag.

“Kitang-kita ninyo naman talagang hinabol niya, sinaktan niya 'yung tao. Kahit naman kasalanan ng kabilang panig, tapos sinasabi niya kanina na nakainom, lasing. 'yun ang allegations niya. Sana, hindi siya nakipag-away doon,” sabi ni LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Nagpadala naman ng medical certificate sa LTO ang nasaktan na driver.

Pero pagpapaliwanagin pa rin siya dahil sa mga nakitang violation. Una, hindi umano rehistrado ang kaniyang sasakyan.

“May napansin pa ako doon, 'yung plaka niya, hindi original 'yung plaka na nakalagay. Pangalawa, 'yung plaka niya halatang tinatago, naka-tilt para hindi makuha ng mga NCAP cameras. Pangatlo, kung totoong lasing siya, ba't siya nagda-drive nang lasing?” ani Lacanilao. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News