Natagpuang patay sa kaniyang bahay sa Quezon City nitong Miyerkoles ng umaga ang dating nobyo ng modelong si Gina Lima, na naunang nasawi at idineklarang death on arrival sa ospital noong Linggo, November 16, 2025. Ang nagdala kay Lima sa ospital, ang naturang ex-boyfriend.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Police Major Jennifer Gannaban, hepe ng Public Information Office ng QC Police District, lumilitaw na kinitil ng lalaki ang sarili niyang buhay sa bahay nito, kung saan natulog at pumanaw din si Lima.
Ayon kay Gannaban, kombinsido umano ang pamilya ng lalaki na walang foul play sa nangyari kaya hindi na hihiling pa ng imbestigasyon.
Sinabi rin ni Gannaban, na may mga post ang lalaki sa social media na nagsasaad ng labis na pagmamahal nito kay Lima.
“As per investigation ng ating kapulisan doon sa FB page nitong (ex) boyfriend na nag-post po siya na sinasabi niya na mahal na mahal niya yung girlfriend niya at susunod siya saan man naroroon yung babae,” ayon sa opisyal.
Awtopsiya kay Lima
Samantala sa naunang pulong balitaan, sinabi ni Gannaban na lumalabas sa resulta ng awtopsiya sa bangkay ni Lima, na hindi ito nasawi dahil sa pananakit.
“According po dito sa medico-legal certification, ang findings po ng autopsy is presence of non-fatal external injuries, presence of heart congestion and congested lungs. 'Yun po 'yung nakalagay,” ani Gannaban.
Ngunit hindi pa umano matiyak kung ano talaga ang sanhi ng pagkamatay ni Lima dahil hinihintay pa ang resulta ng toxicology examination.
“Ibig sabihin, non-fatal, 'yung mga nakita pong pasa doon sa hita niya is hindi po 'yun fatal. So kailangan antayin din po natin 'yung resulta ng toxicology examination para doon sa iba pang cause of death para makita po. Kasi dito nga po sa initial is hindi po fatal,” paliwanag niya.
“As to cause of death, 'yung exact po na cause of death, it cannot be determined pending the toxicology result. So 'yun pa po 'yung hinihintay natin sa ngayon,” dagdag niya.
Una nang iniulat na may nakitang tablets at marijuana kush sa bahay ng dati nitong nobyo kung saan natulog si Lima.
Sa imbestigasyon, nag-inuman umano sina Lima at dati nitong nobyo sa condo unit ng una noong November 15. Pagkatapos nito, lumipat ang dalawa sa bahay ng lalaki noong Nov. 16.
Natulog umano ang dalawa pero noong gabi ng Nov. 16, ginigising ng lalaki si Lima pero hindi na gumagalaw kaya isinugod ng lalaki at kaniyang ama sa ospital ang modelo kung saan idineklarang dead on arrival na ito. –FRJ GMA Integrated News
