Isang lalaki ang nasawi sa Sta. Cruz, Maynila matapos saksakin ng tricycle driver na kaniyang binatukan.

Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kita sa CCTV footage ang 28-anyos na biktimang si alyas Jason na nakikipaghalubilo pa sa mga kabataan sa Evangelista Street noong madaling araw ng Miyerkoles.

Nang hindi siya pinansin ng suspek na si alyas Jovel na kasalukuyang nagkakape at nag-aabang ng biyahe, pinagbabatukan at sinuntok niya ito.

Kita ring hinawi ng biktima at ng kaibigan nito ang ulo ng suspek, na tumayo at tila may binunot sa kaniyang bulsa. Maya-maya pa, makikita sa video na nagdurugo ang tagiliran ni Jason. 

“Siyempre naghahanap buhay. Ayun, napagtripan [yung] nakaupo doon. Sa kili-kili, tatlo ang tama eh… Kahit sino naman na-provoke, gaganti at gaganti,” ani Barangay 310 Kagawad Ryan Lacsina.

Naisugod pa sa ospital ang biktima, ngunit nasawi rin ito matapos ang tatlong oras.

Nahuli rin naman si Jovel na kusang loob sumuko at mahaharap sa reklamong homicide.

Ayon sa mga saksi, mayroon daw talagang alitan sina Jovel at Jason matapos maging kasintahan ni Jovel ang dating kasintahan ni Jason. — Jiselle Anne Casucian/VBL GMA Integrated News