Tinangka ng Philippine National Police (PNP) at ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes na maghain ng warrant of arrest laban sa tatlong opisyal ng Sunwest Construction sa isang hotel sa Pasay City.

Sa isang ambush interview, sinabi ni PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) head Police Colonel John Guiagui na subject ng operasyon ang mga sumusunod:

  • Consuelo Dayto Adon, miyembro ng Board of Directors ng Sunwest
  • Anthony Li Ngo, miyembro ng Board of Directors ng Sunwest
  • Noel Yap Cao, miyembro ng Board of Directors ng Sunwest

Sinabi ng PNP na naniniwala silang nagtatago sa hotel ang tatlong opisyal ng Sunwest.

“Unfortunately, wala sila dito but based on the information that we received yesterday is dito itinago and dito sila nag-cover as one of the employees,” sabi ni Guiagui.

“We have utilized more than 100 to include 'yung NBI to cover the 10 floors of (the) hotel and naging smooth naman ang pag-implement natin. We have searched room by room, floor by floor and unfortunately, wala tayong nakita,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa opisyal, isang subsidiary owner umano ng hotel ang Sunwest.

Sinabi ni Guiagui na hindi masasabi ng mga awtoridad kung nakalabas ng establisimyento ang mga akusado.

Iginiit niyang hindi kalabisan ang pagpapadala ng humigit-kumulang 100 law enforcers para sa operasyon, dahil 10 palapag ng hotel ang kinailangan nilang halughugin.

Titingnan ng mga awtoridad ang iba pang posibleng taguan ng mga akusado.

Sinabi ni Guiagui na wala pa sa mga akusadong opisyal ng Sunwest na may mga warrant of arrest ang nahuhuli. Ilan sa kanila ang napaulat na nasa labas ng bansa.

“Itong Sunwest na ito wala pang nahuhuli ni isa pa sa kanila.  Alam naman natin ‘yung iba dito is nasa ibang bansa, but itong tatlo na nandito, 'yun 'yung hinahanap natin. But rest assured, 'yung effort pa rin natin kahit 'yung nasa labas ng bansa ay tuloy-tuloy,” sabi niya.

Nagbabala ang CIDG-NCR na parurusahan ang mga tumutulong sa mga akusado na magtago mula sa mga awtoridad.

Sa 16 na akusado, siyam na ang nasa kustodiya sa ngayon, ayon sa pulisya.

Ang iba pang mga akusado na hindi pa sumusuko o naaaresto ay sina:

  • Nagbitiw na si Ako Bicol Rep. Zaldy Co, dati ring chairperson ng House appropriations panel
  • Timojen Sacar, DPWH materials engineer
  • Aderman Alcazar, presidente at chairman ng board, Sunwest Construction
  • Cesar Buenaventura, ingat-yaman at miyembro ng board, Sunwest Construction
  • Consuelo Aldon, miyembro ng board, Sunwest Construction
  • Engr. Noel Yap Cao, miyembro ng board, Sunwest Construction
  • Anthony Ngo, miyembro ng board, Sunwest Construction

Ayon kay Guiagui, kinansela na ang rehistrasyon ng mga baril ni Ngo.

Noong Nobyembre 18, nagsampa ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at iba pa. Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa umano'y maanomalyang P289 milyong flood control projects sa Oriental Mindoro.

Ang mga kaso ay diringgin sa ika-5, ika-6, at ika-7 Dibisyon ng Sandiganbayan.

Ito ang unang kasong isinampa laban sa mga umano'y sangkot sa flood control kickback scheme na binanggit ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo.

Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Marcos na naglabas na ng mga warrant of arrest laban sa mga akusado.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News