Sinabi ng Commission on Population and Development (CPD) nitong Martes na mas kaunting ang Pilipinong magkasintahan ang nagpapakasal dahil sa mga alalahanin tungkol sa seguridad sa pinansiyal at sa gastos sa mismong kasal.
Ayon kay Mylin Mirasol Quiray, hepe ng CPD Information Management and Communications Division, may ilang magkasintahan na nagpapakasal bilang susunod na hakbang sa kanilang relasyon, o kaya naman ay praktikal na paraan kapag nabuntis ang babae.
"Sa study po ng Commission on Population and Development, we found out that 'yung Filipinos po talaga they prefer na 'yung economic well-being muna nila 'yung kanilang priority bago magpakasal. So nakikita natin doon sa cohabitation study natin, nakikita ng ibang Pilipino it's a next step for a committed relationship o kaya nabuntis na po, so they see it as a practical arrangement; at nakikita po nila na mahal po magpakasal, kita naman po natin," sabi ni Quiray sa isang public forum.
Noong 2024, bumaba ng 10.2% ang bilang ng rehistradong kasal, mula sa mahigit 414,000 noong nakaraang taon pababa sa 371,825, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Dagdag pa ng CPD, mas dumadami ang mga batang ipinapanganak sa labas ng kasal, na nagpapahiwatig na may mga magkasintahan na bumubuo ng pamilya kahit hindi kasal.
"At the same time, 'yung mga pinapanganak out of wedlock, mas madami po sila, more than 840,000 compared to those in formal union, which is more than 640,000. So from there pa lang, kita natin na mas maraming pinapanganak na Pilipino na hindi nasa marriage 'yung setup ng mga magulang nila,” sabi ni Quiray.
Gayunpaman, sinabi ng komisyon na hindi naman talaga kailangang maging mahal ang pagpapakasal kung pipiliin ng magkasintahan na maging simple ang seremonya.
"Pero actually, if we really look into it, actually mura naman talaga magpakasal. Mahal po kapag with the frills. Pero in fact, kapag gusto lang natin magpakasal, 'yung license lang babayaran, 'yung mga LGUs (local government unit) fees, pero other than that, mura naman talaga," ayon pa kay Quiray.
Nauna nang sinabi ng CPD na may mga Pilipinong magkasintahan ngayon na mas pinipiling mag-alaga ng mga alagang hayop kaysa magkaroon ng sariling anak sa mga kadahilanang pang-ekonomiya, at nais muna nilang maging financially stable.— Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA Integrated News

