Isang delivery rider ang nasawi matapos niyang makasalpukan ang isa pang rider na nag-beating the red light sa Aurora Boulevard corner Anonas Street sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na wala nang gaanong sasakyan na dumaraan pasado 1 a.m. ng Martes sa lugar. Ilang saglit pa, bigla na lamang nagkabanggaan ang dalawang motorsiklo sa intersection at tumilapon ang mga rider sa lakas ng impact.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang muntik pang masalpok ng tumilapon na motorsiklo ang iba pang rider sa lugar.

Sinabi ng pulisya na binabaybay ng 28-anyos na rider ang Aurora Boulevard nang mabangga niya ang 34-anyos na delivery rider mula sa kabilang lane ng kalsada at pakaliwa sa Anonas Street.

“Base po sa investigation po namin, 'yung motorcycle rider na galing po ng Marikina ang bumangga po roon sa motorcycle na kakaliwa papuntang Anonas. Bale, nag-beating the red light po siya kaya bumangga po sila sa intersection,” sabi ni Police Captain Jennifer Agustin, Commander ng QCPD Traffic Sector 3.

Dinala sa ospital ang dalawang rider na kapwa nagtamo ng mga sugat. Binawian kalaunan ng buhay ang delivery rider.

Nagpapagaling pa sa ospital ang nakabangga sa kaniyang rider, kaya hindi na ito nakunan ng pahayag.

Sasampahan siya ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property and homicide.

“Iwasan po natin ang reckless driving, sundin po ang traffic light, tamang linya, at mga traffic signs para maiwasan ang ganitong uri ng sakuna,” sabi ni Agustin. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News