Natagpuang wala nang buhay at nakababa ang salawal ng isang 57-anyos na kasambahay matapos siyang sakalin at pagsamantalahan pa umano ng isang lalaking nanloob sa pinapasukan niyang bahay sa Quezon City. Ang suspek na pabalik-balik sa kulungan, arestado.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan ang bangkay ng babaeng kasambahay umaga noong Linggo.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na kapapasok lang sa trabaho ng biktima at hinahanap siya ng kaniyang among bedridden. Nang hindi na sumasagot ang biktima, tinawagan na ng amo ang isa pang kasambahay, at doon natuklasan ang krimen.

“Nang pumunta na sa bahay 'yung kasambahay na isa, doon na nakita niya na nakahandusay ang biktima. Sa aming imbestigasyon na 'yung biktima natin ay namatay sa pagsasakal at may indikasyon pa na pinagsamantalahan nito. Bago ‘yan, 'yung suspect natin ay nagnakaw pa sa loob ng bahay,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, Commander ng La Loma Police Station.

Tinangay ng suspek ang ilang alahas ng amo.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang suspek na suot ang puting t-shirt na naglalakad papunta sa bahay.

Makalipas ang halos isang oras, umalis ang suspek na nagpalit na ng damit at may dalang sling bag.

“Nang binacktrack namin, mga 6 a.m, na doon na po 'yung suspek sa loob. At 'yung biktima naman, after mga 20 minutes, pumasok din sa bahay niya 'yung biktima kung saan nangyari 'yung krimen. At after 30 minutes, lumabas na rin 'yung suspek. Doon naman namin nakita 'yung suspek, iba na 'yung damit,” sabi ni Aguirre.

Nadakip ang 25-anyos na lalaking suspek sa Tondo, Maynila nitong Martes sa follow-up operation ng pulisya.

Isang hindi lisensiyadong baril na kargado ng mga bala ang nakuha sa kaniya.

Sa record ng pulisya, ika-anim na beses nang nahuli ang suspek, na dati na ring nakasuhan dahil sa pagsusugal at pagnanakaw.

“No comment na lang po. Sa korte na lang po kong magbabaliwanan,” sabi ng suspek.

Nakatakdang i-turnover ng La Loma Police sa Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD sa Camp Karingal ang suspek, na mahaharap sa mga reklamong robbery, rape with homicide at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News