Kasama sa plano ng Department of Education (DepEd) sa 2026 ang kumuha ng panibagong 32,000 guro sa 2026. Bukod pa rito ang pagkuha ng iba pang kawani na kailangang dagdagan para sa mga paaralan gaya school counselors at administrative officers.
Ayon sa DepEd, kasama sa 2026 National Expenditure Program (NEP) ang mungkahing 32,916 Teacher I positions.
Idinagdag pa nito na nakaayon ang panukala sa direktiba ng pamahalaan na palakasin ang basic education ng bansa at mapahusay ang kondisyon sa mga silid-aralan
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layon ng plano sa pag-recruit ng mga bagong guro na matugunan ang mga kakulangang nakaaapekto sa kalidad ng pagtuturo.
“Kapag nagdagdag tayo ng libo-libong guro, mas lumuluwag ang mga silid-aralan at mas nabibigyang-pansin ang mga batang kailangang abutin. Papalakasin ang puwersa ng mga guro para mas umangat ang kalidad ng pagtuturo sa bawat paaralan,” paliwanag ng kalihim.
Kasama rin sa staffing proposal para sa 2026 ang 6,000 School Principal I positions at 10,000 School Counselor Associate items. Sinabi ng DepEd na layon ng mga posisyong ito na tugunan ang mga kakulangan sa pamumuno at palakasin ang school-based guidance at mental health services, partikular sa pagtugon sa bullying at mga isyu sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Tinatapos na rin ng DepEd ang pag-hire ng mga dating pinaglaanan ng pondo. Para sa 2025, inaasahan ng kagawaran na magtatalaga ng 20,000 bagong teaching positions, kasama ang pagpuno sa 33,052 unfilled items mula sa mga nagdaang taon.
Upang mabawasan ang administrative workload na kasalukuyang pinapasan ng mga guro, nakapaloob sa panukala para sa 2026 ang 11,268 Administrative Officer II (AO II) positions upang makamit ang 1:1 AO II-to-school ratio, at 5,000 Project Development Officer I (PDO I) posts upang suportahan ang implementasyon ng mga school-level program.
Sinabi ng DepEd na bahagi ang mga karagdagang posisyong ito ng mas malawak na reporma sa workforce na layong pagandahin ang operasyon ng mga paaralan at tulungan ang mga guro na maituon ang atensyon nila sa pagtuturo.
Sa ilalim ng liderato ni Angara, naglabas ang ahensya ng ilang updates sa mga polisiya kaugnay ng mga guro, kabilang ang Inclusive Employment Policy, binagong mga patakaran sa overtime at overload pay, at workload rationalization na naglalayong ilipat sa iba ang mga gawaing walang kaugnayan sa pagtuturo ng mga guro.
Inilarawan ni Angara ang panukalang budget para sa 2026 na makabuluhan para sa sektor ng edukasyon.
“Matagal nang hinihintay ng sektor ang ganitong laki ng pondo. Historic ang 2026 budget dahil unang pagkakataon na sabay-sabay nating natutugunan ang pangangailangan sa guro, suporta sa paaralan, at paghahanda sa bagong kurikulum,” ayon kay Angara.
Kamakailan lang, inaprubahan ng mga senador ang pagbibigay ng makasaysayang P1.044 trilyon na panukalang budget para sa DepEd sa 2026. — Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News

