Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Miyerkules na tataas ang base pay ng military and uniformed personnel (MUP), na ipagkakaloob sa tatlong bahagi.
Sa isang video message, kinilala ni Marcos ang dedikasyon at serbisyo ng mga MUP, lalo na sa usapin ng pambansang seguridad.
“Bilang pagkilala sa inyong walang sawang paglilingkod, dedikasyon, at husay, ating itataas ang base pay ng MUP,” anang pangulo.
Kabilang sa MUP na tataas ang sahod ay mga kawani mula sa Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
Ibibigay ang taas-sahod sa tatlong tranches na magsisimula sa Enero 1, 2026, na susundan sa Enero 1, 2027, at sa Enero 1, 2028.
Idinagdag pa ni Marcos na magiging P350 na ang subsistence allowance ng MUPs simula sa January 1, 2026. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News
