Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Mark Herman Tañga, na nakasakay ng pulang motorsiklo noong Biyernes.
Nakunan sa CCTV na sinundan si Tañga ng riding-in-tandem pagkaalis niya ng kanilang bahay bago mag-10 p.m.
Sa isa pang kuha ng CCTV, mapanonood na matagal na palang naghihintay ang dalawa sa may ‘di kalayuan.
“Pauwi siya galing sa amin at may sumunod sa kaniyang motor. Ang kuwento ay sinipa siya, sinipa ang motor, inagaw ang bag pagkatapos, saka siya binaril,” sabi ni Mina Tañga, kapatid ng biktima.
Sa bahagi ng Barangay Ususan sa Taguig naabutan ng mga suspek ang biktima, at nakuha ng isa sa kanila ang kaniyang bag. Lumayo na ang biktima ngunit sinundan pa rin siya ng isa sa mga suspek at doon siya pinagbabaril.
Bukod sa kaniyang bag na naglalaman ng P500,000, kinuha rin ang motorsiklo ng biktima ngunit iniwan din ito ng mga salarin sa hindi kalayuan.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya sa pagkakilanlan ng riding-in-tandem at ang motibo sa pagpatay.
Pagnanakaw ang isa sa mga anggulong tinitignan, ayon sa kaanak ng biktima. Wala naman silang alam na nakakaaway ng dating barangay kagawad.
Nag-alok ng reward money na P300,000 ang lokal na pamahalaan ng Pateros sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga salarin.
“Ang kapatid ko, very active siya sa community. Out of pocket niya kinukuha 'yung mga gastusin para sa barangay. Kahit sa mga liga, siya 'yung nag-sponsor,” sabi ng kapatid ng biktima. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
