Hinuli ang dalawang lalaking ayaw magpaawat sa kanilang suntukan sa kalsada matapos silang magkaonsehan umano sa droga sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV na nagkaroon ng komosyon ang lalaking nakaangkas sa motorsiklo at lalaking nagbibisikleta sa Quirino Highway nitong Miyerkoles.

Hindi na nakunan sa CCTV ang mga sumunod pang insidente ngunit nagpambuno na ang dalawang lalaki. Ilang saglit lang, dinakip na ang dalawa dahil ayaw silang magpaawat sa mga rumespondeng traffic enforcer.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya pinag-ugatan ng kanilang komosyon ang onsehan sa ilegal na droga. Ang nakabisikleta ang tulak umano ng droga habang nakaangkas sa motorsiklo ang kaniyang parokyano.

“Ito si suspect number one. Siya 'yung nagbebenta. Tapos nag-meet sila dito sa isang barangay.
Binayaran ni suspect number two ng agreed amount nila kapalit ng droga. So, nun’g umalis na itong bumili si suspect number two, ito naman si suspect number one, binuksan niya 'yung nakabalot na pinambayad. Doon na-found out niya na 'yung laman pala na hindi pera, kundi puro mga diyaryo,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Commander ng Talipapa Police Station.

Nakuha ng mga awtoridad ang 25 gramo ng shabu na may halagang P170,000, at nabawi rin ang mga piraso ng diyaryo na P15,000 na pera sana na ipambabayad sa droga.

“Ang dalawang na ito ay mga street-level individual. So nagtutulak talaga itong mga ito. May mga prior records na ito sa ibang-ibang kaso upon verification natin. So 'yung isa ay nagtutulak talaga dito sa Barangay Balong Bato, tumatawid sa kabilang barangay,” sabi ni Alejandrino.

Sinabi ng 24-anyos sa suspek na hindi niya alam na shabu ang kaniyang dala-dala, at pumayag lang siyang iabot ito dahil sa pangakong bibigyan siya ng P500.

“Hindi naman talaga galing sa akin ‘yan, sir. Naipaabot lang din talaga sa akin. Wala rin pong ka-idea-idea na ganoon pala 'yung laman noon, sir,” sabi ng suspek.

Iginiit naman ng 26-anyos na suspek na hindi rin niya alam na puro diyaryo at hindi pera ang ipinaabot umano sa kaniya.

“Wala po kasi talaga akong alam du’n eh. Sumama lang din po ako. Wala po kong alam,” sabi ng pangalawang suspek.

Mahaharap sila sa mga reklamong alarm and scandal, disobedience, and resisting arrest, habnag may karagdagang reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act ang 24 anyos na suspek. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News