Sa kulungan ang bagsak ng isang 64-anyos na lalaking senior citizen matapos niyang saksakin at mapatay ang sariling pamangkin sa kanilang bahay sa Barangay Tonsuya, Malabon. Ang suspek, sinugod din ang kapitbahay na muntik din niyang mapatay.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente nitong Miyerkoles, kung saan maririnig mula sa loob ng isang bahay ang magkakasunod na sigaw na humihingi ng tulong.

Sinugod pala ng suspek ang kapitbahay niyang biktima sa bahay at sumaklolo sa biktima ang asawa nito at ilan pa nilang kapitbahay.

“Kung nakatalikod ako, patay ako. Mabuti humarap ako. Nakita ko gumagano’n (akmang mananaksak) na siya sa akin. Saksak agad. Nasalo ko man. Nawasiwas na sa akin ‘yan,” anang biktima, na nagtamo ng mga sugat sa katawan.

Nadamay rin ang asawa ng biktima at iba pa nilang kapitbahay na tumulong upang agawin ang patalim mula sa suspek.

“Si nanay, inaagaw 'yung kutsilyo. Pumasok ako roon tapos inaagaw ko. Pinilit namin kuhanin 'yung patalim. Parang nanlilisik 'yung mata ng tao,” sabi ng isa sa mga kapitbahay.

Isinalaysay ng biktima na matagal nang may galit sa kaniya ang suspek.

“Mga limang taon, blinater (blotter) ko ‘yan kasi binabantaan ako, manigurado ako. Kasi salita nang salita sa itaas, sa akin ang laban. Hindi ko alam kung anong bakit,” sabi ng biktima.

Bago ang pananaksak sa bahay ng biktimang senior citizen, una nang napatay ng suspek sa saksak ang 33-anyos niyang pamangkin sa mismong bahay nila.

“Naririnig ko na ang lakas ng sigaw. Umakyat ako, sabi ko ‘Nag-aaway na naman itong dalawa.’ Pagkita ko 'yung anak ko, duguan na, hawak-hawak na niya ‘yung dibdib niya. Tapos gaganiyanan pa ako ng kapatid pa. Ambahan niya pa ako ng ganiyan,” sabi ng kapatid ng suspek.

Sinabi ng mga kaanak nila na madalas magtalo ang magtiyuhin. Ngunit hindi nila inakalang magreresulta ito sa karumal-dumal na krimen.

“Napakasakit. Napakasakit ng ginawa niya. Talagang dapat pagbayaran niya ‘yun,” sabi ng kapatid ng suspek.

“Dati na pong marami na siyang kaso eh. Pero hindi lang nabubunyag. Kasi takot nga si mama baka mapatay kami lahat. Hindi lang addict sa labas ang puwedeng pumatay sa atin. Puwedeng sa loob ng bahay. ‘Yan lang po. Tito ko pa po,” sabi ng kapatid ng nasawing 33-anyos na biktima.

Nadakip kalaunan ang suspek na mahaharap sa reklamong murder at frustrated murder

“Nu’ng responde 'yung mga kapulisan doon sa pangyayari, nakuha nila ang suspect tapos sumunod 'yung barangay. Sinecured 'yung lugar para wala nang magugulo. Tapos pinosasan ng mga pulis 'yung suspect para dalhin sa estasyon," sabi ng tanod na si Levy Bernal ng Barangay Tonsuya.

Sinusubukan pang kuhanan ng pahayag ng GMA Integrated News ang suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News