Timbog ang isang 29-anyos na lalaki matapos mabigong takasan ang pulis sa Quezon City na nanita dahil nakatsinelas lang siya't walang suot na helmet. Pero ang nabisto sa kanyang paggkakaaresto—nakaw pala ang gamit niyang motorsiklo.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, dinala sa police station ang lalaki matapos umanong takasan ang Oplan Sita ng pulisya sa may FPJ Avenue.
"Finlag (flag) down ng tropa natin 'yung suspek dahil wala siyang suot-suot na helmet habang nagda-drive siya ng motorsiklo. At the same time, napansin din ng tropa natin na... nakatsinelas lang siya during that time. Nu'ng sinita, nag-resist siya, nagkaroon ng konting habulan," sabi ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, Masambong Police Station Commander.
Isang improvised na baril na kargado ng mga bala ang nakuha mula sa kaniya, at nadiskubre sa imbestigasyon na nakaw pala ang minamanehong niyang motorsiklo.
Nakunan sa CCTV noong Nobyembre 21 ang suspek na nilapitan ang isang motorsiklo na nakaparada sa Barangay del Monte, bago ito itinulak at tinangay.
Sinabi ng pulisya na nakapag-report sa kanila ang may-ari ng motorsiklo.
"Nakalimutan niya 'yung susi. Pagbalik niya, wala na 'yung motor niya. Positively identified niya na iyon ang motor niya. Tapos pinakita niya 'yung ID niya. Nag-match naman doon sa OR/CR (official receipt/ certificate of registration) ng motor," sabi ni Baula.
Umamin ang suspek na siya ang nagnakaw sa motorsiklo.
"Naiwan po 'yung susi ng may-ari. Dinala ko lang po. Service lang po," sabi ng suspek, na walang pahayag tungkol sa nakuhang improvised na baril.
Sinampahan na ang lalaki ng patong-patong na reklamo kasama na ang resistance and disobedience to a person in authority, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Motorcycle Helmet Act.
Desidido rin ang may-ari ng motorsiklo na sampahan siya ng reklamong paglabag sa new Anti-Carnapping Law. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News

