Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV, sinabing sumiklab ang apoy sa bahay na pagmamay-ari ng pamilya Baguio sa Sitio Sambagan, Barangay Pilipog pasado 5 p.m. noong Disyembre 10, 2025.
Nakadagdag sa pighati ni Myrna Baguio Salazar, 57-anyos, ang pagkasunog ng kanilang bahay at nadamay pa ang nakaburol niyang 35-anyos na anak.
Dahil mabilis ang pagkalat ng apoy, sinabi ni Salazar na nagmadali siyang lumabas ng bahay kasama ang kaniyang asawa na may problema sa pagkilos.
Bigo nang buhatin ng iba pang miyembro ng pamilya ang kabaong palabas ng bahay.
Isang nakasinding katol na dumikit sa isang tray ng itlog at kurtina ang itinuturing na sanhi ng sunog, ayon kay FO1 Bemil Genaro Jr., fire investigator sa Cordova Fire Station.
Dumagdag pa sa mga alalahanin ni Salazar nang sabihan pa siya umano na bayaran ang mga nasunog ding ilaw na pagmamay-ari ng punerarya. Ayon sa kaniya, kailangan pa niyang bayaran ang bayad para sa kabaong ng kaniyang anak na babae.
Nagpaabot naman si Cordova Mayor Cesar Didoy Suan ng P10,000 kay Andresa Baguio, may-ari ng bahay at ina ni Salazar; at P20,000 sa pamilya Salazar bilang tulong ng gobyerno matapos silang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa sunog.
Nagpaabot din ang lokal na pamahalaan ng Cordova ng bigas at de-latang pagkain sa pamilya.
Nangako rin ang alkalde na magpapadala ng mga materyales sa pabahay para sa pamilya para agad na masimulan ang pagpapatayo.
Ayon kay Perlito Mahinay, pinuno ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang mga miyembro ng pamilya na tutulong sa muling pagtatayo ay makakatanggap ng P5,000. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
