Nagdulot ng abala sa trapiko ang dalawang grupo ng mga motoristang nakainom umano matapos silang magsuntukan dahil sa gitgitan sa MacArthur Highway sa Barangay Marulas, Valenzuela.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente 6 a.m. ng Martes, kung saan hindi makausad ang mga sasakyan kahit naka-go signal ang traffic light dahil sa rambulan ng mga motorista.

Kabilang sa away ang tatlong lalaki na sakay ng SUV at tatlong rider na magkakaangkas sa motorsiklo.

Sinabi ng pulisya na nakainom ang dalawang grupo nang maganap ang insidente.

Nagkaareglo ang dalawang grupo nang magkaharap sa estasyon ng pulis. Gayunman, sasampahan pa rin sila ng mga awtoridad ng reklamong alarm and scandal matapos ang abalang kanilang idinulot sa mga motorista.

Umamin ang mga sakay ng SUV na bahagyang nakainom sila, habang tumangging magbigay ng pahayag ang mga delivery rider. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News