Malubhang nasugatan ang isang 48-anyos na truck driver matapos siyang saksakin ng kapuwa niya driver na nakikipag-away sa isang pahinante sa Marikina.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Sto Nino sa Marikina nitong Sabado ng hapon.

Nagtamo ng saksak sa batok, tenga at likod ang biktima na patuloy pang nagpapagaling sa ospital.

Naaresto naman kinalaunan ng mga awtoridad ang 38-anyos na suspek na aminado sa krimen pero iginiit na self-defense ang kaniyang ginawa.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa day-off ang suspek na humingi ng isa pang araw na pahinga sa trabaho na nauwi sa pakikipagtalo niya sa kaniyang pahinante.

Ayon sa pulisya, sinabi umano ng pahinante na kung hindi pa magtatrabaho ang suspek, sasampa na lang siya sa ibang driver. Hindi umano iyon nagustuhan ng suspek kaya nagkaroon na ito ng mainit na pakikipagtalo sa pahinante.

Dito naman sinubukan ng biktima na awatin ang dalawa pero ikinagalit umano ng suspek ang malakas na pagkakatulak sa kaniya.

Ayon sa biktima, lasing ang suspek nang mangyari ang krimen.

Inamin naman ng suspek na nag-iinuman sila at pagtutulungan umano siya kaya niya nagawang saksakin ang biktima.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek. – FRJ GMA Integrated News