Ilang oras matapos mapatay sa operasyon ng militar ang Mexican drug lord na si Nemesio Oseguera, na mas kilala bilang “El Mencho” nitong Linggo, hinarangan ng mga armadong lalaki na pinaghihinalaang mga tagasuporta niya ang mga highway sa ilang estado at nagsunog ng mga sasakyan at negosyo.
Sa ilang bayan, pinayuhan ang mga turista at residente na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan, habang pinayuhan naman ang mga driver ng truck na dumaan sa mas ligtas na ruta o bumalik sa kanilang mga depot hanggang sa humupa ang karahasan.
Ilang airline, kabilang ang Air Canada, United Airlines at Aeromexico, ang nagkansela ng mga flight patungong Puerto Vallarta, isang beachside resort town na nakuhanan ng video ng mga nagulat na turista ang makapal na usok na mula sa mga sunog.
Ang karahasan sa mahigit kalahating dosenang estado ay nagpapakita umano ng pamilyar na tagpo para sa mga Mexicano sa loob ng dalawang dekada na nasaksihan ang sunod-sunod na pamahalaan na nagsasagawa ng digmaan laban sa mga drug cartel.
Isang miyembro ng Jalisco New Generation Cartel na pinamumunuan ni Oseguera ang nagsabi sa Reuters, na ang mga pagsunog at paminsan-minsang putukan ay isinagawa bilang paghihiganti sa pagpatay ng pamahalaan kay Oseguera. Nagbabala din siya na dadanak pa ang dugo habang may mga grupong kikilos upang kontrolin ang kanilang cartel.
“The attacks were carried out in revenge for the leader’s death, at first against the government and out of discontent," saad nito na tumangging magpakilala. "But later the internal killings are coming, by the groups moving in to take over."
Sa Pacific coast ng Mexico, limang oras na biyahe mula sa operasyong militar sa bayan ng Tapalpa na nagpabagsak sa lider ng makapangyarihang Jalisco New Generation Cartel, naglabasan ang mga beachgoer sa isang pantalan sa Puerto Vallarta ng kanilang mga cellphone upang kunan ng video ang makapal na usok na tumatakip sa asul na tanawin ng karagatan, ayon sa video na ibinahagi sa Reuters.
Sinabi ni Daniel Drolet, isang Canadian na matagal nang nagpapalipas ng taglamig sa Puerto Vallarta, sa isang panayam sa telepono, na nababahala siya na maaaring magsimula ang panibagong yugto ng karahasan sa karaniwang tahimik na resort zone.
"I have never seen anything like this before," saad niya.
Sa estado ng Jalisco, iniulat ng mga awtoridad na inatake ng mga armadong lalaki ang isang base ng National Guard military police, at inirekomendang manatili ang mga bisita sa loob ng mga hotel at pansamantalang itinigil ang pampublikong transportasyon.
May iba pang mga eksena ng criminal activity at tugon ng militar ang makikita sa mga video na ibinahagi ng mga source ng government security forces sa Reuters. Kabilang ang isang berdeng tangke ng militar ang dumaan sa isang residential neighborhood sa estado ng Aguascalientes.
Naparalisa ng mga roadblock ang abalang Mexico-Puebla highway. Sa estado ng Colima, hinarangan ng mga miyembro ng cartel na nakasakay sa mga pick-up truck ang isang kalsada.
Una rito, kinumpirma ng gobyerno ng Mexico noong Linggo na nasugatan sa pagsalakay ng mga sundalo ang 59-anyos na si Oseguera sa bayan ng Tapalpa, pero pumanaw din habang isinasakay sa eroplano patungong Mexico City.
May nakalaang pabuya na $15 milyon para sa kaniyang pagkakadakip.
Si Oseguera, ay isa sa pinaghihinalaang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa Mexico ang pinakabagong na nadakip o napatay ng mga awtoridad, mula naman nang madakip ang mga nagtatag ng Sinaloa cartel na sina Joaquin “El Chapo” Guzman at Ismael Zambada, na parehong nakakulong nga sa Amerika.
Binati naman ni US Deputy Secretary of State Christopher Landau ang operasyon ng Mexico, at tinawag si Oseguera na, “one of the bloodiest and most ruthless drug kingpins.”
“This is a great development for Mexico, the US, Latin America, and the world. The good guys are stronger than the bad guys,” dagdag niya.—ulat mula sa Reuters/FRJ GMA Integrated News

