Inilahad ni Sofia Trazona ang dahilan kung bakit nagalit noon si Alvin Aragon sa kaniya na humantong umano sa pananakit, at ang paghingi nito ng tawad sa kaniya.

“Christmas rush po noon, as in one week before Christmas. Bumibiyahe po ako from Cavite to Mandaluyong everyday for four months kasi po natanggal po kami sa condo. Napalayas po kami sa condo sa Mandaluyong,” kuwento ni Sofia sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

Ayon kay Sofia, kasa-kasama na niya noon ang inang si Izzy, dalawa pa nitong anak, at si Alvin nang napalayas sila sa Mandaluyong dahil sa kakulangan sa pera, at lumipat sila ng Cavite.

“Kailangan ko po bumiyahe everyday from Cavite, to Mandaluyong and vice versa just to go to school,” kuwento niya.

Ginabi raw ng uwi si Sofia, na ikinagalit ni Alvin.

“Christmas rush, December, a week before Christmas, na-late po ako ng uwi kasi bumili po ako pang exchange gift and sobrang haba po nu’ng pila sa terminal. Wala pong masakyan na mga van. So, na-late po ako ng uwi. Nagalit po siya sa akin.”

“Ayun, kaya po nu’ng nagalit siya, sigurong hindi niya na rin po napigilan,” pagpapatuloy niya.

Kalaunan, nagpaliwanag at humingi rin si Alvin ng tawad sa kaniya.

“Yes, nag-sorry naman po siya,” sabi ni Sofia, na idinagdag na alam ito ng kaniyang ina.

“Alam po ni mama. In-explain niya na lang din sa akin na ‘Pasensiya ka na kasi mainit lang din talaga ang ulo,’ ganu’n po,” kuwento niya.

Pag-alma sa mga pahayag ni Alvin

Patuloy namang inalmahan ni Sofia ang mga binitawang salita ni Alvin tungkol sa pagiging bakla o queer ng isang tao, at ang pagbanggit pa nito ng Biblia.

“First, it's painful. Not just on my part but our part. Kasi, this is not the first time na narinig natin siya. Not [just] from him, we also heard it from other people,” ani Sofia.

Para sa drag artist, hindi dapat na masanay ang mga tao sa pagkondena sa mga bakla at iba pang miyembro ng LGBTQ community.

“Dapat hindi talaga. We should not accept it,” giit niya.

Pinabulaanan din ni Sofia ang pahayag ni Alvin na nakuha niya ang pagiging bakla mula sa kaniyang lola.

“Mali po ‘yun kasi nakikita ko rin po sa interview niya na pagbalik ko raw po nag-split na po po. Bago pa po siya nakarating sa buhay namin nag-split na po ako,” natatawang sabi ni Sofia.

“So, hindi po 'yun katotohanan. Kasi sumasayaw po ako sa kanto, bata pa lang ako nakikipag-showdown na ako sa mga kapitbahay namin. So, before po talaga sobrang feminine ko na. Hindi po talaga ako 'yung manly child,” ani Sofia. – FRJ GMA Integrated News