Arestado ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo matapos umanong batuhin ng bote ng alak ang mga pulis na nasa checkpoint sa Mangaldan, Pangasinan. Ang dalawa, naunang sinita at tinekitan sa checkpoint dahil walang suot na helmet.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Pebrero 17 ng madaling araw.

Pinahinto ng mga pulis ang dalawa dahil walang suot na helmet at binigyan sila ng citation ticket, at hinayaang makaalis.

Pero pagkaraan ng ilang minuto, bumalik ang dalawa at doon na umano binato ng bote ng alak ang mga pulis.

Wala namang nasaktan sa mga pulis pero maituturing na umano itong pambabatos at direct assault sa mga pulis, ayon kay Police Captain Hernando Martines, chief investigator.

Tumakas ang dalawang lalaki pero naaresto rin sila sa hot pursuit operation.

Kuwento ng kaanak ng isa sa mga suspek, galing sa inuman ang dalawa nang masita ng mga pulis sa checkpoint.

Nagsisisi naman daw ang dalawa sa kanilang ginawa, ayon sa kaanak. – FRJ GMA Integrated News