Napaulat kamakailan ang isang babaeng content creator na nasawi matapos siyang malason dahil umano sa pagkain niya ng devil crab sa Puerto Princesa, Palawan. Ang pamilya, may gustong linawin tungkol sa mga maling impormasyon na ipinapakalat tungkol sa pumanaw nilang mahal sa buhay.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ni Jameslee Amit, ang mga pangyayari bago pumanaw ang kaniyang inang content creator na si Emma Amit.
Nakahuli raw sila ng mga alimasag, na paborito ng kaniyang ina kaya iniuwi nila ito at ipinaluto sa kanilang ama.
“Pagkatapos niya po kumain, sabi niya parang namamanhid daw po ‘yung mukha niya, ‘yung balat na parang inuunat daw po. Parang nahihilo raw po siya, parang mamamatay daw siya nang walang kalaban-laban, ma'am,” kuwento ni Jameslee.
Pinakain pa nila ng niyog si Emma kaya na ito nagsuka.
“Pagtingin ko ulit sa kaniya, parang, sabi ko, parang iba na ‘yung hitsura ng mama ko, parang nangitim na po ‘yung dito (noo) niya,” patuloy ng anak.
Kalaunan, dinala na nila si Emma sa city health satellite clinic ng lungsod.
“Habang nagbi-biyahe kami, pahigpit nang pahigpit ‘yung yakap niya sa akin. Tapos nagsasabi siya sa akin, ‘Kahit na ano mangyari, ‘wag na ‘wag ko daw siyang patutubuhan,’” sabi ni Jameslee.
Ngunit dahil kulang sa gamit ang kanilang satellite health center, kinailangang ilipat si Emma sa mas malaking pagamutan.
Ngunit hindi na naisalba pa ang buhay ni Emma.
“Lutang ako. Sabi ko ‘Mahirap lang tayo Ma, pero bakit mo kami iniwan?’ Masakit nga lang, bumitaw,” emosyonal na sabi ni Jameslee.
“Masakit din po. Kasi wala na ang babae na mahal ko,” sabi ng asawa ni Emma.
Doon na nakumpirma ng pamilya na nalason nga ito ng kinain niyang alimango na “devil crab,” o kumong-kumong kung tawagin ng mga lokal.
“Medyo may kaunting bukol-bukol po siya or protruding po 'yung kaniyang carapace. Striking color niya is medyo ma-reddish, ma-brown, or ma-orange,” sabi ni Argie D. Wong, Aquaculturist II, BFAR Palawan.
“Meron siyang tinatawag na neurotoxins. Dahil nga ito ‘yung neurotoxin, tinatamaan ang nerves, expected na ‘yung pasyente ay makakaranas ng pamamanhid ng bibig, ng dila, pagkabigat ng mukha,” sabi ng general physician na si Dr. Rafael Martirez.
“‘Pag matindi na, ‘yung muscles sa paghinga ay hindi na makakakilos at mahihirapan nang huminga ang pasyente. Eventually titigil sa paghinga o ‘yung tinatawag na respiratory arrest,” dagdag ni Martirez.
Ayon kay Kapitan Laddy Gemang ng Barangay Luzviminda, si Emma na ang pangatlong nasawi dahil sa pagkain ng kumong-kumong sa kanilang lugar. May namatay na ring isang matandang babae noong 2002, na nasundan ng isa pang kaso noong 2025.
Ang kasalo ni Emma sa pagkain ng devil crab na kaniyang kumare na si Lolita Cortez, nakaligtas pero may naramdaman umano kaagad nang kainin ang alimango.
“Sabi ko, ‘Mads, parang ‘yan ‘yung nakakalason.’ Sabi niya, ‘Hindi ini. Basta nakadaan sa apoy,’ sabi niya, ‘hindi ‘yan makakalason.’ Nakikita ko sa kaniya sarap na sarap talaga siyang kumain kaya talagang napakain na rin ako ng crabs na ‘yun,” ani Lolita.
‘’Yung unang kain ko wala, okay. ‘Yung pangalawa, parang nakaramdam na ako. ‘Yung pangatlo, parang nakakain ako isang sachet ng vetsin. Wala nang lakas ‘yung buong katawan ko. Talaga sabi ko, ‘Lord, huwag mo na akong kunin. Alang-alang sa mga anak ko,’” sabi pa niya.
Paliwanag ni Dr. Martirez, posibleng mababa lang ang dose ng lason na nakain ni Lolita kumpara kay Emma.
Paalala ni Dr. Martirez, huwag basta-basta magpapasuka ng pasyente sa mga katulad na sitwasyon.
“Kapag ‘yun na-ingest na nasa tiyan niya, tapos ‘pag pinasuka mo ‘yung pasyente, lalong masusunog 'yung esophagus, 'yung daluyan kung saan dumadaan 'yung pagkain. Tapos 'yung toxic na suka, puwede pa niyang ma-ingest at galing sa tiyan, mapunta sa baga,” anang doktor.
Masama naman ang loob ni Jeselle Mae Canopin, anak ni Emma, sa mga vlogger na ginawang content ang kaniyang ina.
“Gusto niya makilala siya. Tapos sa ganitong paraan pa. Ang dami nang mga vloggers, ginagawa siyang content. ‘Yung sobrang sakit po, ‘pag nagse-search ka sa through Google, ‘Devil Crab,’ mukha niya 'yung makikita mo,” sabi ni Jeselle.
Nilinaw ni Jeselle na ang kinakain ni Emma sa nag-viral niyang video ay hindi ang nakalalasong devil crab, kundi ang shellfish na Saang o ranga ranga na ligtas namang kainin.
“Sana po, inalam po muna nila,” ani Jeselle.
Ang ginawang pagkain ni Emma ng devil crab ay hindi kinuhanan ng video. Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News
