Nabulabog ang mahimbing na tulog ng isang pamilya sa kanilang apartment sa Maynila nang ang isa sa mga bata, bigla na lamang nagsisisigaw. At nang suriin ang kuha sa CCTV camera, mapapansing umangat at tila may humila sa kumot ng bata. Isa kayang poltergeist ang may kagagawan nito? Alamin.
“Nanginginig na siya sa takot, sinasabi niya po sa akin na may humila po ng kumot,” kuwento ni Frejya Sugano, nanay ng batang si “Kurt” sa video, sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Sa video nina Freyja, kapansin-pansin na tila umangat na mistulang may humila ng kumot. Giit ng ginang, imposibleng may hihila na iba sa may paanan ng bata dahil wala nang ibang tao sa kanilang kuwarto.
Tulog na ang kaniyang mag-aama at si Freyja na lamang ang gising noong madaling araw at nagsi-cellphone nang mangyari ang insidente. Hanggang sa naalimpungatan umano si Kurt.
“Nagsisigaw na po siya. Nanginginig na siya sa takot, sinasabi niya po sa akin na may humila po ng kumot. Tinatanong ko po siya, ‘Nakita mo ba?’ Wala daw po siya nakita. Sinabi ko na ako lang po ‘yun, para hindi siya matakot lalo,” sabi ni Freyja.
Matapos nito, bumangon si Freyja para i-check sa CCTV kung totoo ang sinasabi ng anak na may humila sa kumot nito.
“Pagka-check up po ng CCTV, Nalaman ko po na totoo ‘yung nangyari na hinila po ‘yung kumot niya,” ani Freyja.
Hindi umano iyon ang unang beses na may nagparamdam kay Kurt sa kanilang kuwarto.
Nang minsan daw na naglalaro si Kurt, bigla na lama umanong napatulala ang bata.
“Tapos nagulat ako, nakatulala na lang po siya. Nakatingin po siya diyan sa may pintuan. Tapos yumakap nang mahigpit sa akin ng takot na takot. Sabi ko, ‘Bakit? Mumu, mumu?’ Tumatango lang siya habang umiiyak.”
Ang hipag naman niyang si Jenny Pampola, mayroon ding nakakapanindig-balahibong karanasan sa kanilang hagdanan nang may makita siyang batang nakatingin at nakadamit pangburol.
Ayon pa kay Freyja, pababa naman noon ng hagdan ang kaniyang kapatid nang bigla na lamang itong malaglag, na tila may tumulak umano.
Ang bilas ni Freyja, na si Pealyn “Ayip” De Guzman, ikinuwento naman ang insidente na bigla na lamang nag-lock ang pinto ng apartment kahit wala namang tao.
Itinuturong ugat umano ng kamalasan ang puwesto ng kanilang salamin at ang magkaharap na pinto sa kanilang kuwarto.
“Masama daw po ‘yun. Parang nag-a-attract po ako ng mga masasamang entity dito sa bahay dahil po sa salamin. Lagusan ng mga masasamang entity po,” sabi ni Frejya.
Paliwanag ng feng shui expert na si Johnson Chua tungkol sa salamin.
“Ang salamin po kasi mayroon another dimension kung tawagin. In case, natutulog po tayo tapos may salamin na nakatapat sa kama. May kasabihan kasi na naglalakbay po ‘yung spirit natin. Kapag mamaya nakapasok siya doon, minsan mahirap siya mag-recall back papunta sa katawan natin. Yun ang dahilan bakit may mga iba po nagkakaroon din ang tinatawag na bangungot,” ayon kay Chua.
“Dalawang door na magkatapat po, ang tawag namin dito is may poison arrow. Bumibilis ngayon ‘yung energy ng chi. Pwede maka-affect ng money loss, pwede maka-affect ng mga parang alitan, away, conflict problems. Puwede rin siya makapag-cause ng mga health problems,” dagdag ni Chua.
Para malinawan ang misteryo sa apartment nina Freyja, pinuntahan ito ng paranormal researcher na si Ed Caluag. Ano kaya ang kaniyang matutuklasan, at totoo kayang kagagawan ng isang poltergeist ang paghila ng kumot ng batang si Kurt? Panoorin ang buong kuwento sa video. – FRJ GMA Integrated News
