Nagpaalam na sa ASB Classic doubles tournament ang tambalan ng Pinay tennis star na si Alex Eala at American na si Iva Jovic matapos silang matalo sa semifinals, 7–5, 6–3, laban kina Yifan Xu at Zhaoxuan Yang ng China nitong Biyernes sa Auckland, New Zealand.
Sa unang set, nakuha nina Eala at Jovic ang maagang bentahe na 5–4 ngunit bumawi sina Xu at Yang, at nasungkit ang panalo sa set sa tatlong sunod na laro.
Katulad na senaryo sa unang set, maagang umabante sina Eala at Jovic sa 3–1 sa ikalawang set bago nakuha ng Chinese duo ng limang magkakasunod na laro at iselyo ang kanilang tagumpay.
Umabot sa semifinals ang tambalang Eala-Jovic matapos ang isang quarterfinal walkover. Bago nito, ginulat nila at tinalo ang tambalan nina Venus Williams at Elina Svitolina sa unang round.
Sa kabila ng kanilang pagkatanggal sa doubles, nananatili pa rin sa laban sina Eala at Jovic sa singles draw, kasama sina Wang Xinyu at Elina Svitolina sa semifinals.
Makakaharap ni Eala sa kaniyang bracket si Wang. — FRJ GMA Integrated News

