Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang istriktong pagpapatupad ng "Anti-Epal" policy sa buong bansa, kung saan bawal nang isama ang mga pangalan at mukha ng mga opisyal sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa pahayag ng DILG nitong Sabado, binanggit ng ahensiya ang kanilang Memorandum Circular No. 2026-006, na inaatasan ang lahat ng mga opisyal sa probinsya, lungsod, munisipalidad, at barangay, pati na rin ang mga tanggapan sa sentral, rehiyonal, at field offices at iba pang kaugnay na ahensiya, na tiyaking “no public official’s name, photo, logo, initials, color motif, slogan, or any identifying symbol appears on project signages, markers, tarpaulins, and similar materials funded by public money.”

“Government programs are not personal billboards. These are funded by taxpayers and must reflect public service, not political credit grabbing,” saad pa ng DILG sa pahayag.

Binanggit din sa sirkular ang panuntunan sa Konstitusyon ng 1987 na ang pampublikong tanggapan ay nasa ilalim ng tiwala ng publiko, ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at mga tuntunin ng Commission on Audit na tinutukoy ang mga personalized na display bilang mga “unnecessary expenses.”

Idinagdag ng DILG na sinusuportahan din ng 2026 General Appropriations Act ang hakbang, na tahasang nagbabawal sa pagsasali ng mga pangalan at larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

“All concerned officials and employees are directed to cause the immediate removal and correction of non-compliant materials. Heads of offices are accountable for full and prompt compliance, as well as for cascading the directive to all units under their supervision,” anang ahensiya.

Sinabi ng DILG na sinesegunduhan nito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing malaya ang mga proyekto ng gobyerno mula sa promosyon ng sarili na politikal at “personality branding,” at hinikayat ang mga mamamayan na iulat ang mga paglabag sa Anti-Epal policy.

“Public funds are for public service. Not for personal publicity,” sabi nito. —VBL GMA Integrated News