Matapos ang mahigit isang buwang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan, maaaring asahan ng mga motorista ang bahagyang ginhawa sa susunod na linggo dahil sa dalawang linggong ceasefire na napagkasunduan ng Estados Unidos at Iran.
“MOPS (Mean of Platts Singapore) prices and premiums have softened due to the ceasefire deal in the Middle East,” ayon sa isang oil industry source.
Batay sa MOPS trading sa unang tatlong araw ng linggo, ang tinatayang pagbaba sa presyo ng petrolyo ay ang mga sumusunod:
- Diesel - P2.50 hanggang P3.40 kada litro
- Gasolina - P1.00 kada litro
Maaaring magbago ang mga pagtataya depende sa resulta ng kalakalan hanggang nitong Biyernes, Abril 10, 2026.
“However, modest rebounds are seen based on today’s projections,” ayon sa industry source.
Pumayag si US President Donald Trump sa isang tigil-putukan sa Iran wala pang dalawang oras bago ang kaniyang deadline para sa Tehran na muling buksan ang Strait of Hormuz o harapin ang mga pag-atake sa mga sibilyang imprastraktura nito.
Sinabi ni Trump na ang huling-minutong kasunduan ay napapailalim sa kasunduan ng Iran na ihinto ang pagharang nito sa mga suplay ng langis at gas sa naturang kipot na saklaw ang halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay.
Sa kaniyang parte, sinabi ni Iran foreign minister Abbas Araqchi na ititigil ng bansa ang mga counter-attack at papayagan ang ligtas na pagdaan ng mga barko.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. nitong Miyerkoles na sasamantalahin ng Pilipinas ang dalawang linggong tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran upang masiguro hangga't maaari ang suplay ng petrolyo ng bansa.
''So we will take full advantage of the two weeks to increase our supply as much as possible and to continue to make whatever arrangements are possible. We are all hoping and praying that the two-week ceasefire will extend further if the talks go well,'' sabi ni Marcos.—Jamil Santos/AOL GMA News
