Pitong batang magkakapatid at isa pang menor de edad ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa Shreveport, Louisiana sa Amerika. Ang salarin, ang mismong ama ng mga magkakapatid na biktima.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabi ng pulisya na nakita ang mga katawan ng magkakapatid sa kanilang bahay.

Nasawi naman ang isa pang menor de edad matapos barilin habang tinatangkang tumakas.

Tinangka rin umano ng salarin na tumakas matapos ang krimen gamit ang tinangay na sasakyan. Pero hinabol siya ng mga awtoridad at napatay.

Sugatan din sa pamamaril ang misis ng salarin, at isa pang babae. Patuloy silang ginagamot sa ospital.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, na itinuturing isang uri ng domestic violence.

Sa isang ulat ng Reuters, sinabing nasa edad isa hanggang 14 ang mga nasawing biktima.

Sa isang news conference, sinabi ni Shreveport Police Department spokesperson Christopher Bordelon, na nangyari ang krimen noong umaga ng Linggo.

"This is a tragic situation, maybe the worst tragic situation we've ever had," ayon kay Shreveport Mayor Tom Arceneaux . — FRJ GMA News