Tumaas ang pagkakautang o liabilities nina Vice President Sara Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio sa P9.95 milyon noong 2024 mula sa P3.75 milyon noong 2022, batay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Isinumite ng Office of the Ombudsman ang mga SALN ng Pangalawang Pangulo mula 2022 hanggang 2024 sa House committee on justice bilang pagsunod sa subpoena para sa patuloy na pagdinig sa reklamong impeachment laban kay Duterte.

Ang liabilities noong 2024 na nagkakahalaga ng P9.95 milyon ay tinukoy bilang pananagutan ng kaniyang asawa.

Nakita rin sa 2024 SALN na umabot sa P88.5 milyon ang net worth ng Pangalawang Pangulo. Sa halagang ito, P66.8 milyon ang bumubuo sa mga ari-arian, habang umabot naman sa P31.6 milyon ang halaga ng kaniyang mga personal na ari-arian.

Mas mataas ang kaniyang net worth noong 2024 kaysa noong 2023 na nasa P77.5 milyon.

Ang net worth ni Duterte na P77.5 milyon noong 2023 ay nahahati sa mga sumusunod:

  • Mga ari-arian na nagkakahalaga ng P54 milyon
  • Mga personal na ari-arian na nagkakahalaga ng P25 milyon at
  • Mga pananagutan na nagkakahalaga ng P2.55 milyon

Ang assets naman ng Pangalawang Pangulo noong 2022 ay kinabibilangan ng P50.9 milyon na real properties at P23.8 milyon na personal properties.

Ang kaniyang liabilities noong 2022 ay umabot sa P3.75 milyon, na nag-iwan sa kaniya ng net worth na P71.5 milyon.

Isa sa mga paratang laban sa Pangalawang Pangulo ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na kayamanan. —Jamil Santos/AOL GMA News