Arestado ang dalawang Chinese matapos masabat sa kanila ang mahigit P200 milyong halaga ng shabu umano na isinilid sa mga tea bag sa ikinasang buy bust operation sa Barangay Balingasa, Quezon City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency - Special Enforcement Service ang operasyon pasado 10 p.m. nitong Martes.

Nabilhan ang mga suspek ng isang kilo ng shabu ng PDEA agent na nagkunwaring buyer.

Tumanggi pa ang PDEA na magbigay ng pahayag, ngunit saksi sa operasyon ang isang opisyal ng Barangay 700 ng Maynila.

“‘Yung nag-positive na po 'yung transaksiyon, nilapitan na po ng PDEA 'yung mga suspek natin. Sa dami po nila, hindi na rin po lumaban 'yung mga suspek. Chinese national po 'yung mga suspek natin,” sabi ni Kagawad Lijob Zaragosa ng Barangay 700, Zone 77.

Lulan ng isang SUV na itim ang mga suspek na edad 32 at 33 anyos. Nasabat sa kanila ang humigit kumulang 40 kilo ng hinihinalang shabu.

Isinilid sa mga tea bag ang mga droga bago inilagay sa mga travel box.

Nakumpiska rin sa mga nadakip na Chinese ang isang Hong Kong passport, dalawang wallet, dalawang cellphone, at kanilang international driver's license at international driving permits.

Narekober din ang US$100 at mahigit HK$10,000 o katumbas ng mahigit P85,000.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nakatira ang mga dayuhan sa General Trias, Cavite.

Mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang Chinese. —Jamil Santos/VBL GMA News