Nasawi ang isang 31-anyos na motorcycle rider matapos siyang mabundol ng barangay patrol car na minamaneho ng isang ex-o sa Project 6, Quezon City. Ang biktima, magde-deliver lang sana ng order na pagkain.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood na nagmula ang motorcycle rider sa Road 8 12:30 p.m. nitong Lunes, na nagmenor pa habang tumatawid sa Road 1.
Kalaunan, nabangga na siya ng barangay patrol car.
Naidala pa siya sa ospital, ngunit binawian ng buhay bandang 8 p.m. din ng Lunes.
“Pagdating sa may intersection, tinamaan ng barangay patrol car itong motorsiklo ng biktima. At dahil sa impact, itong si biktima ay tumilapon at tumama sa windshield ng barangay patrol car,,” sabi ni Police Lieutenant Charly Dela Cruz, Deputy Commander ng QCPD Traffic Sector 6.
Wasak naman ang windshield ng patrol car ng Barangay Nagkaisang Nayon, habang makikita sa motorsiklo ang mga pinsalang naidulot ng aksidente.
“Ayon sa driver, may pinuntahan sila sa city hall at pabalik na sila sa may Barangay Nagkaisang Nayon, sir. Ang biktima naman po natin ay galing sa kaniyang karinderya. At ayon sa kaniyang mga kasamahan ay magde-deliver lamang ng in-order na pagkain,” sabi ni Dela Cruz.
Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 6 ang 52-anyos sa driver ng patrol car.
Sinabi ng pulisya na executive officer o ex-o ng Barangay Nagkaisang Nayon ang driver.
Tumangging magbigay ng pahayag ang opisyal, na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.—Jamil Santos/FRJ GMA News
