Nadakip ang mga suspek sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng cellphone snatching sa Maynila. Kaugnay nito, muling nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno laban sa mga tinatawag niyang “tolongges” o gumagawa ng ilegal at masama na hahabulin sila ng batas.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, ipinakita ang video footage ng isang suspek na tinaguriang “jumper boy” na inuundayan ng saksak ang driver ng isang container van. Pilit din na inaagaw ng suspek ang cellphone ng biktima sa Mel Lopez Boulevard noong Abril 25.

Hindi na nakunan sa video, ngunit may kasabwat pa ang lalaki na hinablutan naman ng cellphone ang pahinante ng container van, bago agad na tumakas.

Samantala nitong Lunes, nahagip sa dashcam video sa bahagi pa rin ng Mel Lopez Boulevard ang isang lalaki na dali-daling tinangay ang cellphone ng babaeng sakay ng motorsiklo.

Napag-alaman ng pulisya na menor de edad ang nang-snatch.

Samantala sa isa pang dashcam video, isa namang lalaking naglalakad ang nanghablot ng cellphone mula sa isang utility van na bukas ang bintana sa may Osmena Highway sa Ermita madaling araw ng Abril 23

Kalaunan, nadakip ng Manila Police District ang mga suspek sa tatlong insidente at iniharap kay Manila Mayor Isko Moreno Lunes ng gabi.

Dinala sa tanggapan ng Manila Department Of Social Welfare o MDSW at isasailalim sa act of discernment ang menor de edad na nanghablot ng cellphone ng isang babae.

Samantala, ligtas ang driver na nasaksak sa Mel Lopez Boulevard na nagtamo ng sugat sa kamay at tagiligaran.

Nabawi rin mula sa mga salarin ang mga cellphone ng mga biktima.

Nahulihan pa ng penn gun ang suspek sa Osmeña Highway.

Sinabi ng pulisya na labas-pasok sa kulungan dahil sa iba’t ibang kaso ng robbery snatching ang suspek, na kalalaya lang noong nakaraang buwan.

“Kagipitan lang ng buhay sir eh,” sabi ng suspek kaya niya ginawa ang krimen.

Nagsagawa ng Oplan Galugad ang Ermita Police Station para hindi na maulit ang mga insidente.

Dalawa ang kinapkapan matapos mahuling nakatambay sa bangketa kahit dis oras na ng gabi

Ang isa namang lalaki, pinagtulungan pang buhatin pababa ng police mobile matapos umanong makatulog dahil sa sobrang kalasingan.

Mula sa mahigit 200 nahuli sa Oplan Galugad noong unang linggo ng Abril, bumaba na sa 60 ang nahuli sa operasyon nitong Lunes ng gabi.

“Mararamdaman po natin ang epekto ng Operation Safer Metro Manila kasi dati po ang dami talaga natin nahuhuli, ngayon po ay paunti nang paunti na,” sabi ni Police Lieutenant Colonel June Abrazado, Station Commander ng MPD-5.

Nagbabala naman si Mayor Isko Moreno sa mga tinatawag niyang tolongges na gumagawa ng mga labag sa batas na hahanapin at huhulihin sila ng awtoridad.

Ang isang suspek sa snatching, napag-alaman na dalawang beses nanghablot ng cellphone nang araw na isagawa ang krimen.

“May gobyerno sa Maynila. Whether ginagawa niyo ‘yan ng umaga, tanghali, hapon, o gusto niyo graveyard shift… We will go after you,” sabi ni Moreno. – Jamil Santos/FRJ GMA News