Isang babaeng motorcycle rider ang dead on the spot matapos magulungan ng 12-wheeler truck na may kargang buhangin sa Ortigas flyover sa Mandaluyong. Habang pinoproseso ang kaniyang katawan, muli siyang nagulungan ng isa pang dump truck na may karga ring buhangin.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente bago mag- 12 a.m.

Sinabi ng 29-anyos na driver na hindi niya napansin ang motorsiklo, na posibleng sinubukang mag-overtake sa kanang bahagi ng truck.

“Kasi po may sinusundan din po akong truck. Tatlo po kaming magkakasunod na magkakasama. Hindi po siya napansin, baka gusto niyang um-overtake dito, alanganin naman po riyan. Humihingi na lang po ako ng pasensiya sa mga kaanak niya na ganito po ang nangyari, hindi ko naman sinasadya,” anang driver ng 12-wheeler.

Ayon sa driver, bumiyahe sila mula Porac, Pampanga para maghatid sana ng buhangin sa isang planta sa Pasig.

Makaraan lang ang dalawang oras, muling nagulungan ang biktima ng isa pang dump truck na kargado rin ng buhangin.

Bandang 2 a.m. sa kalagitnaan ng imbestigasyon at pagproseso ng pulisya sa biktimang nasawi, muli siyang nagulungan ng isa pang dump truck na may dala ring buhangin.

Ayon sa pahayag ng truck driver sa pulisya, may nasalpok muna siyang SUV. Sinubukan niyang umiwas ngunit nasagasaan na ang nakahandusay na biktima sa flyover.

“Parang nag-loose break po. Pagtapak ko po, hindi po huminto ‘yung [truck], kaya nabangga ko po ‘yung sa harapan ko. Tapos pag-iwas ko po hindi ko po alam na nakahilata ‘yung patay na tao,” sabi ng isa pang driver ng truck.

“Sa mga tao po na ano, pasensiya na po, hindi ko po talaga kagustuhan 'yung ganiyan,” dagdag pa ng pangalawang truck driver.

“In front of me may truck din siya and then nag-full stop siya and then nag-full stop din ako tapos itong truck sa likod ko binangga ako and then nag-swerve siya tapos nasagasaan niya 'yung dead body ulit for the second time around,” sabi ng driver ng SUV.

Wasak ang brake light at likurang bahagi ng SUV.

Ligtas naman ang mga driver at pahinante ng mga sangkot na sasakyan. Nasa kustodiya na ng Mandaluyong Police ang mga truck driver.

Batay sa nakuhang lisensiya, 31-anyos ang biktima na taga-Quezon City.

Kasalukuyang nag-iimbestiga ang pulisya sa insidente.

Pasado 6 a.m. nang maging passable o maaari na ulit madaanan ng mga motorista ang Ortigas flyover. —Jamil Santos/AOL GMA News