Hinukay ng isang lalaki ang bangkay ng kaniyang kapatid at dinala ito sa bangko bilang "proof of death" para mabuksan ang bank account ng yumao sa Odisha, India.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing ilang linggo nang sinusubukan ng lalaki na ma-access ang bank account ng kaniyang kapatid na pumanaw sa sakit noong Enero.
Hinihingan umano ng bangko ang lalaki ng mga dokumento gaya ng death certificate para ma-release ang mahigit 19,000 rupees o katumbas ng mahigit P12,000 na laman ng bank account ng kapatid.
Pero ang lalaki, hindi naiintindihan ang proseso kaya hinukay niya ang katawan ng kapatid at binitbit ito sa bangko bilang tugon sa hinihinging "proof of death."
Sinabi ng mga awtoridad na miyembro ng isang tribo ang lalaki at walang pinag-aralan kaya hindi niya naunawaan umano ang proseso.
Bigo rin ang mga opisyal ng bangko na maipaliwanag nang maayos ang proseso sa lalaki.
Tinulungan ng mga awtoridad ang lalaki at tiniyak na makukuha niya ang pera mula sa bangko.
Nailibing na ulit ang bangkay ng kaniyang kapatid. — Jamil Santos/ VDV GMA News
