Kung ngayon gagawin ang pampanguluhang halalan at magtatapat sina Vice President Sara Duterte at Senador Raffy Tulfo, lumalabas sa resulta ng Pulse Asia presidential preference poll na tabla ang dalawa. Habang kung sina VP Duterte at Naga City Mayor Leni Robredo ang maglalaban, nakalalamang naman ang una.

Sa naturang survey na ginawa ng Pulse Asia noong February 27 hanggang March 2, tinanong ang 1,200 respondents, na may edad 18 pataas ng: "If the May 2028 elections are held today, and the following are the candidates, who will you vote for as president in the following lists?"

Sa tapatan nina Duterte at Tulfo, pareho silang nakakuha ng 46 percentage points.

Sa tapatan naman ni Duterte at Robredo na may katulad na tanong, nakakuha ang bise presidente ng 51 points habang 43 points naman ang alkalde.

Kinumpirma ni Pulse Asia president Ronald D. Holmes, na bahagi ang naturang survey sa kanilang March 2026 Ulat ng Bayan.

Inihayag din niya na may rider questions na kinomisyon ang opisina ni Senador Juan Miguel Zubiri.

Sa tapatan nina Duterte at Tulfo, nagtabla ang dalawa sa National Capital Region na kapuwa nakakuha ng 42 points. Pero sa rest of Luzon, nakalayo si Tulfo na may 72 points kontra sa 19 points ni Duterte.

Sa Visayas, lamang din si Duterte na may 64 points kontra sa 32 points ni Tulfo. Pero pagdating sa Mindanao, may 90 points si Duterte, habang 9 points lang si Tulfo.

Duterte-Robredo

Sa NCR, bahagyang nakaungos si Robredo (42) kay Duterte (41). Gayundin sa rest of Luzon na may 67 si Robredo habang 26 si Duterte.

Lamang din si Duterte sa Visayas na may 67 points, kontra sa 31 points ni Robredo. Pagdating sa Mindanao, kumamada si Duterte ng 93 poins laban sa 6 points ni Robredo.

Ang naturang survey, may margin of error na plus or minus 2.8%. – FRJ GMA News