Bago pa man nakilala sina Dagul, Mahal at Mura, may isang action star na kinagiliwan na rin noong dekada 70s hanggang 80s dahil sa kaniyang pagiging maliit-- si Ernesto de la Cruz, o sikat sa kaniyang screen name na “Weng Weng.” Balikan ang kaniyang mga naging huling araw, at ano nga ba ang kaniyang ikinamatay? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kay Susan Tayo! Vlogs” ikinuwento ni Carlito Dela Cruz, pamangkin ni Weng Weng, na sa kabila ng kasikatan ng kaniyang tiyuhin at dami ng action films na nagawa, wala itong naipundar.
“Kasi nu’ng kasagsagan niya, hindi naman po siya kasi dito (Baclaran) nakatira. Kumbaga doon siya sa producer niya... Siguro kung magkano lang 'yung inabot sa kaniya, tanggap lang siya nang tanggap,” sabi ni Carlito.
“Sa sitwasyon niya kasi noon, pinababayaan lang namin kung ano 'yung makabubuti sa bata. Parang ganu’n ang ginawa ng mga kapatid tsaka magulang. Kumbaga, okay na siya doon kasi kumbaga 'yung tiwala,” dagdag pa ni Carlito.
Dahil dito, walang naipundar si Weng Weng, gaya ng bahay, sasakyan, o alahas man.
Samantala, pinabulaanan ni Carlito ang mga usaping nagkaroon ng bisyo at naging lasinggero umano si Weng Weng.
“Ay hindi po totoo. Wala talaga,” sabi ni Carlito.
Ikinuwento ni Carlito na palabiro sa mga babae si Weng Weng.
“Palabiro kasi siya eh. Alam niyo naman 'yung lugar namin, maraming babae.
Minsan may bitbit bitbit siya dito. Ipapakita niya lang. Parang ipagyayabang niya.”
Paglamlam ng biruin
Kalaunan, tumamlay na ang karera ni Weng Weng sa showbiz.
“Kasi nu’ng time na parang wala nang kumukuha sa kaniya and then siguro inisip niya na ‘Parang palaos na ako.’ Bumalik siya dito sa magulang niya,” kuwento ni Carlito.
Sa kabila nito, hindi nawala ang pagiging masayahin ni Weng Weng.
“Lagi lang siya nakaupo sa balkonahe namin. Tapos siyempre sikat siya. Tatawag-tawagin siya ng mga tao dito, ‘Hi Weng Weng!’ Kaway lang siya nang kaway. Gano'n lang siya,” ayon sa pamangkin.
“Tapos ‘pag time na gusto niya na naiinip na siya sa bahay aalis siya. Lalabas. Palakad-lakad lang lang po.”
Inilahad ni Carlito na inatake sa puso si Weng Weng noong bandang 30-anyos na ito.
“Naka-recover pa. Kaya lang ‘di na siya nakapagsalita… Tapos ‘di na siya nakakatayo. Tapos kung makatayo man siya, parang talagang ‘yung hirap na. Kaya hindi na siya halos gumagala. Ayan na lang siya lagi sa balkonahe. Nakaupo na lang siya doon maghapon.”
Ayon kay Carlito, posibleng nakaapekto sa kalusugan ni Weng Weng ang nakain nitong alimango na may alige.
“Pag-uwi niya, may dala-dala na po siyang alimango. Tapos pag-uwi niya, pinaluto niya sa nanay niya. Ngayon, nu’ng pagkaluto, ang tinira niya, puro alige. Pagdating siguro ng mga 1 to 2 a.m, nanigas na siya.”
Abala raw ang pamilya sa panonood noon nang mahulog si Weng Weng sa hinihigaan nito.
“Mga ilang minuto, tumayo ngayon ang kapatid ko. Sinilip niya ngayon ‘yun. Tiningnan niya sabi niya, ‘Ay si Estong!’” pag-alala ni Carlito.
“‘Di tumayo agad ako. Pagtingin ko, noong pag-angat kong gano'n. Sabi ko, parang wala nang hininga. Tapos pinakinggan ko agad ‘yung bibig niya. Talagang wala na. Talaga as in wala na talaga,” kuwento niya.
“Pagkadala sa ospital, ‘yun ang naging finding na na-stroke. Patay ang kalahating katawan,” dagdag ni Carlito.
Ilan sa mga kaibigang dumalaw at tumulong kay Weng Weng ang aktor na Amay Bisaya, na may koneksiyon kina Fernando Poe Jr. at kay Dolphy.
Maging sa huling sandali ng little action star, hindi siya nalimutan nina Da King at Comedy King.
“‘Yun ang tumutulong sa kaniya. Opo, nagpapa-abot talaga siya (FPJ). At saka si Dolphy. Alam ko silang dalawa,” ani Carlito.
“Kasi naririnig ko naman po kasi yung pangalan eh. Kaya tanda ako na silang dalawa lang talaga,” dagdag niya.
Bukod dito, naniniwala siya na nagpaabot din ng tulong ang namayapang Presidente na si Ferdinand Marcos Sr.
“Nag-abot din po ‘yun. Kasi talagang solid talaga siya kay Marcos,” ani Carlito.
Agosto 1992 nang ilibing at ihatid sa kaniyang huling hantungan si Weng Weng sa Pasay City Public Cemetery.
Ilan sa kaniyang mga naging pelikula ang “D'Wild Wild Weng” (1982), “The Impossible Kid” (1982), at “The Cute... The Sexy n' The Tiny” (1982).—FRJ GMA News
