Sinimulan na ng Social Security System (SSS) ang mas maagang pagpapatupad ng ikalawang yugto ng 10% pagtaas sa buwanang pensyon para sa mga retirado at mga pensyonadong may kapansanan.
Nauna nang inanunsyo ng SSS na isusulong nito ngayong Hunyo ang ikalawang bahagi ng pagtaas ng pensyon para sa mga retirado at may kapansanan, mula sa orihinal na plano sa Setyembre.
Layunin ng naturang hakbang na mabigyan ng mas maagang pinansyal na tulong ang mga pensyonado ng SSS sa gitna ng epekto ng inflation at krisis sa presyo ng langis na dulot ng sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Maglalabas ang SSS ng humigit-kumulang P6 bilyon na karagdagang benepisyo sa pensyon mula Hunyo hanggang Agosto 2026 upang matulungan ang mga pensyonado na makayanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin sa enerhiya.
“We are releasing the second tranche of pension increases ahead of schedule to support millions of pensioners and their families, helping them meet their daily needs and enjoy greater financial security sooner,” sabi ni Finance Secretary and Social Security Commission Chair Frederick Go.
“With the early implementation, we hope to provide timely relief to our pensioners and their families as they continue to face every day financial challenges,” ayon naman kay SSS president and CEO Robert Joseph de Claro.
Ayon sa SSS, ang mga pensyonadong hanggang Mayo 31, 2026 ay magiging kuwalipikado para makatanggap ng dagdag na pensyon simula Hunyo 1, 2026.
Samantala, ang mga miyembrong magiging kuwalipikado sa benepisyo (o ang tinatawag na contingency date) sa pagitan ng Hunyo 1 at Agosto 31, 2026 ay magsisimulang makatanggap ng kanilang nadagdagang pensyon sa Setyembre 1, 2026.
Sa ilalim ng ikalawang yugto ng Pension Reform Program (PRP) ng SSS, makatatanggap ng 10% na dagdag sa buwanang pensyon ang mga retirado at may kapansanang pensionado. Habang may dagdag na 5% naman sa buwanang pensyon ang mga tumatanggap ng death at survivorship pension.
“We recognize that rising prices and economic uncertainty continue to place pressure on Filipino families and businesses. Through the PRP, SSS ensures that our pensioners have access to timely, affordable and reliable financial support when they need it most,” ani de Claro.
Sa ilalim ng PRP, makatatanggap ang mga pensyonado ng taunang pagtaas ng pensyon tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027.
Ang huling yugto ng tatlong taong reporma sa pensyon ay ipatutupad sa Setyembre 2027 (para sa mga pensyonadong kuwalipikado hanggang Agosto 31, 2027), na may mga sumusunod na dagdag:
- Karagdagang 10% pagtaas para sa mga retirado at may kapansanang pensyonado
- Karagdagang 5% pagtaas para sa mga tumatanggap ng death o survivorship pension
Pagkatapos ng ikatlong taon ng programa, inaasahang tataas nang nasa 33% ang kabuuang dagdag sa pensyon para sa mga retirado at may kapansanang pensionado. Habang 16% naman ang kabuuang dagdag para sa mga benepisyaryo ng death at survivorship pension.— FRJ GMA News
