Dinakip ang isang lalaki sa Parañaque matapos siyang magpanggap na pulis at kikilan ng P500,000 ang ilang negosyanteng South Korean.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), na nakuha ng suspek ang nasabing halaga mula sa mga biktima noong Abril, at muling humingi ng karagdagang P600,000 nitong Hunyo.
Nagsagawa ng entrapment operation matapos magsumbong ang mga dayuhan sa pulisya.
Natuklasang gumamit ng pekeng police report ang suspek para takutin at palabasin na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa mga dayuhan sa iba't ibang kaso.
Umamin ang suspek sa krimen, na sinabing gagamitin niya sana sa online sugal ang pera. —Jamil Santos/ VAL GMA News
