Arestado sa Quezon City ang mahigit 200 tauhan ng collecting arm ng ilang online lending app matapos silang magpanggap umano na mga pulis para maningil ng mga may utang.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng National Bureau of Investigation na nananakot ang mga empleyado para bayaran sila.
Sa pagsalakay ng NBI, tumambad sa kanila ang mga text blast equipment, mga SIM card at mga gadget na ginagamit ng mga suspek.
Bumungad din sa mga cellphone at computer ang mga script ng pananakot at pekeng mensahe na galing umano sa PNP at NBI para takutin na magbayad ang mga may utang.
Itinanggi ng supervisor ng kompanya ang pananakot, na sinabing hindi niya alam na may gumagawa ng ganoong istratehiya para makasingil. —Jamil Santos/ VAL GMA News
