Inaresto sa La Union ang isang lalaking ilang buwang nagtago matapos niyang ilang ulit na molestiyahin umano ang kaniyang pamangkin sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing dinakip sa Bauang, La Union ang 26-anyos na lalaki, na subject ng arrest warrant para sa limang count ng sexual assault na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

“Ito po ay nagsimula sa isang tawag sa amin ng isang confidential informant na ang suspek ay nagtatago sa Bauang, La Union. Kaya ang mga operatiba ng La Loma Police Station ay nakipag-coordinate na sa Bauang Municipal Station para maisilbi ang warrant of arrest,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, Commander ng La Loma Police Station.

Inilahad ng pulisya na naganap ang krimen noong nakaraang taon sa Barangay Maharlika, Quezon City kung saan 15-anyos ang babaeng pamangkin ng akusado.

“Lumalabas sa aming imbestigasyon na ang suspek ay tumira sa bahay ng biktima at sa mga panahong nakitira siya doon ay limang beses niya itong namolestya at sa panglimang beses doon na nakapagsumbong sa magulang ang biktima at doon na rin naisampa ‘yung kaso,” sabi ni Aguirre.

Ibiniyahe ang akusado sa Quezon City at kasalukuyang nakabilanggo sa La Loma Police Station.

Itinanggi ng akusado ang alegasyon. Hindi raw niya alam na mayroon siyang arrest warrant.

“Hindi po totoo ‘yan, sir. Hindi ko po alam, sir (kung bakit nakasuhan),” sabi ng akusado.

Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa return of warrant. —Jamil Santos/VBL GMA News