Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P27.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng mga produktong pampaganda sa Port of Clark sa Pampanga, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na galing ang kontrabando sa Amerika at nakatakdang ipadala sa isang tatanggap sa Mandaluyong City.
Pero sa isinagawang inspeksiyon, natuklasan ng mga tauhan ng BOC ang mahigit apat na kilo ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng mga produktong pampaganda.
Matapos ang pagkumpiska, ipinasa ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga ilegal na droga para sa patuloy na pagsusuri at imbestigasyon.
Patuloy pang tinutukoy ng mga awtoridad kung sino ang nagpadala ng kargamento at kung sino ang nakatakdang tumanggap nito. – FRJ GMA News
