Isang 12-anyos na babae ang nasawi matapos siyang mabaril habang naghahabulan ang dalawang lalaking may alitan sa Barangay Longos, Malabon. Ang isa sa mga lalaki na sangkot sa away, patay din.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ikinabulabog ng mga residente sa Lapad Ali noong Sabado, Hunyo 13 ang mga putok ng baril.
Maya-maya pa, may dalawang lalaki na naghahabulan. Hanggang as muling narinig ang mga putok ng baril bago sila nakitang tumakbo papasok sa isang eskinita.
Hindi nakunan sa CCTV, ngunit namatay ang lalaking nakaitim na sando matapos tamaan ng bala sa dibdib.
“Nagkaroon sila ng konting ‘di pagkakaintindihan, kaya nagresulta sa ganitong pangyayari na kung saan nabaril niya 'yung biktima. 'Yung biktima naman, sabi ng suspek, according sa pag-imbestiga natin, ay balak siyang saksakin. Sa katunayan, mayroong hawak na patalim 'yung biktima,” sabi ni Police Colonel Kenneth Mission, chief ng Malabon City Police.
Sa kasawiang palad, aksidenteng tinamaan ng bala ng baril ang menor de edad na babaeng naglalaro sa lugar.
Naglalaro noon ang biktima kasama ang kaniyang mga pinsan at kapatid nang maganap ang insidente. Ayon sa isa sa kaniyang mga kalaro, tinamaan sa likod ang biktima nang magtakbuhan na ang dalawang lalaki at magpaputok na ng baril ang suspek.
“May narinig po kaming barilan. Tumakbo kami. Akala namin po nagpa-prank lang po siya. Tumawag po kami ng tulong,” ayon sa kalaro ng 12-anyos na biktima.
Tumakas ang suspek sa pamamaril, ngunit nadakip ng pulisya sa Maynila makaraan ang ilang oras.
“Through the CCTV, initially nagkaroon kami ng identification sa suspek. Nahanap naman natin sa partner ng Maynila sa Tondo area,” sabi ni Mission.
Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng batang biktima.
“Masakit din po eh. Dami pang pangarap ng anak ko eh. Gusto niya makatulong sa akin daw po, pati sa mga kapatid ko. Iaangat niya daw po kami. Gusto niya makapagtapos. Ayan ang pangarap niya po, pero wala na po eh,” sabi ng ina ng bata.
Samantala, may trauma pa rin ang nakababata niyang kapatid na nakasaksi sa insidente.
“Galing po kami sa labas kasi nagbasketball po. May kasama po kaming matanda. Ako po sana ‘yung matatamaan po. Tapos sabi niya po sa akin, tumakbo po ako. Tapos tumakbo na po ako,” sabi ng kapatid ng 12-anyos na biktima.
Nakabilanggo na sa Malabon City Police Station ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.
Mahaharap ang suspek sa dalawang count ng murder. — Jamil Santos/RSJ GMA News
