Naghain ng reklamo ang kampo ng boksingerong si Eman Bacosa Pacquiao sa Games and Amusement Board (GAB) laban sa kaniyang huling nakatunggali, gayundin sa referee na nangasiwa sa kanilang laban.
Ang reklamo ay bunsod ng umano’y paulit-ulit at sinadyang “rabbit punches” o mga suntok sa likod ng ulo na ginawa sa kaniya ng kalaban na ipinagbabawal sa boksing, ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Lunes.
Nakaharap ni Pacquiao si Rodelyn Perez noong Hunyo 21 para sa PBF Youth lightweight title, na pinangasiwaan ng referee na si Jerold Tomeldan.
Nagwagi si Perez sa pamamagitan ng majority decision.
“Normal sa nagkakainitan na fighters yung magkasakitan o sabihin na po natin na ma-rabbit punch, pero yung hindi po intentional. Yung ginawa kay Eman intentional kasi paulit-ulit po,” sabi ni Joanna Rose Bacosa Dino, ina at manager ni Pacquiao.
“Hindi na po ito usapin ng talo kami o panalo kami ang pinaka-concern ko po dito ay yung health ni Eman,” dagdag niya.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, sa kabila ng sinasabing paulit-ulit na rabbit punches, wala umanong ibinigay na babala o kaparusahan ang referee kontra kay Perez.
Sinabi ni Dino na nagreklamo si Pacquiao habang nasa laban dahil sa paninigas ng kaniyang katawan na nagsimula sa mga paa at umakyat paitaas.
Dagdag pa niya, sumailalim ang boksingero sa CT scan at hinihintay pa nila ang resulta nito.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag sina Perez at Tomeldan, ngunit wala pa silang tugon.
Kinumpirma naman ng GAB na nakatanggap sila ng reklamo na inihain ng kampo ni Pacquiao kaugnay ng “alleged misconduct and officiating lapses.”
“Following standard regulatory procedure, the GAB will require the individuals identified in the Complaint-Affidavit to submit their respective comments. This ensures that all relevant parties are afforded due process and given a fair opportunity to be heard. Upon receipt and evaluation of all relevant submissions, the Board will resolve the matter objectively and in accordance with existing rules,” ayon sa pahayag ng GAB.
“To preserve the integrity of the proceeding, the GAB shall refrain from commenting on the merits of the case pending its final resolution,” dagdag nito. — FRJ GMA News
