Nagkuwento si Zoren Legaspi tungkol sa ginanap nilang family gathering kamakailan sa bahay ng kaniyang pamangkin na si Dani Barretto, na anak ng kaniyang kapatid na si Kier Legaspi.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, inilahad ni Zoren na matagal nang iniimbitahan ni Dani ang kanilang pamilya sa bahay nito ngunit hindi natutuloy.

"Matagal na kaming iniimbitahan ni Dani sa place niya. And for some reason, nane-neglect ko ‘yung invitation na iyon. It’s really my fault," sabi ni Zoren.

Sa huli, nagpasya rin si Zoren na paunlakan ang imbitasyon ni Dani matapos mapagtantong madalas silang nasa Alabang para sa mga pagtitipon kasama ang mga kaibigan, na malapit din lang sa bahay ni Dani.

"And then one day sabi ko 'Hon, tara na.' Kasi si Maverick makulit din," aniya. "‘Yung kambal mabilis ‘yan. 'Sige, ako na ang bahala. Ite-text ko si Dani.' ‘Yun, tintext na niya.’”

Sinabi ni Zoren na ikinagulat niya ang post ni Dani sa Instagram tungkol sa nangyaring pagtitipon ng kanilang pamilya, dahil hindi niya alam na may malalim na kahulugan pala ito sa pamangkin.

"Nagulat ako sa post niya because I didn’t know it will mean that much to her. Gano’n ka-deep pala ng pagpunta namin. I didn’t know," anang aktor.

Sa pagtitipon ng kanilang pamilya, kasama ng pamilya Legaspi ang isa pang kapatid ni Zoren na si Brando, at ang kaniyang pamilya, pati na rin ang matriarch ng Legaspi na si Hershey.

Wala naman sa pagtitipon ang ama ni Dani na si Kier, na kapatid nina Zoren at Brando.

Nang tanungin tungkol sa relasyon ngayon ni Dani kay Kier, tugon ni Zoren, “I’m not sure. Basta kami, okay naman kami. In totality, okay naman kami."

Si Dani ay anak nina Marjorie at Kier.

Sa isang episode ng podcast na "Updated with Nelson Canlas" noong 2023, inamin ni Kier na wala na silang komunikasyon sa kaniyang anak.

Noong 2021, sinabi ni Dani sa GMA News Online na alam ni Kier ang numero niya at maaari niya itong tawagan anumang oras. – Jamil Santos/FRJ GMA News