Ipinagbawal sa mga estudyante ang pagdadala ng cellphone sa loob ng paaralan sa Dumanjug, Cebu. Ipinag-utos ito ni Mayor Gungun Gica upang maituon umano ng mga mag-aaral ang kanilang atensyon sa pag-aaral.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, nilinaw ni Gica na ang cellphone ban ay hindi bunga ng nangyaring karahasan sa loob ng paaralan na naganap sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa alkalde, personal niyang adbokasiya ang naturang kautusan para sa pag-aaral ng mga bata.

Isang fourth-class municipality ang Damunjug na makikita sa timog-kanlurang bahagi ng Cebu, at humigit-kumulang 70 kilometro ang layo mula sa Cebu City, ang kabisera ng lalawigan.

Batay sa 2020 Census, may mahigit 57,000 na populasyon sa lugar, at pagsasaka at pangingisda ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao sa lugar.

Ayon kay Gica, sa panahon ng kaniyang panunungkulan, napansin niya ang malaking pagbabago sa pag-aaral at asal ng mga estudyante.

Sinabi rin niyang lalo pang humina ang academic performance ng mga estudyante mula noong panahon ng pandemya, at suspendido ang face-to-face classes.

Binanggit niya ang mga kaso ng ilang Grade 6 na mag-aaral na ang kakayahan sa pagbasa ay katumbas lamang ng antas ng isang Grade 3 na estudyante.

Binanggit niya ang mga kaso ng ilang Grade 6 students na pang Grade 3 lang ang kakayahan sa pagbasa.

Cellphone ban

Sa ilalim ng polisiya, ang mga makukumpiskang cellphone ay ibabalik lamang sa may-ari sa pagtatapos ng school year. Nilinaw naman ni Gica na hindi awtomatikong mapapatalsik sa paaralan ang mga lalabag.

Aniya, tinalakay muna ang panukala sa mga school head at mga opisyal ng barangay bago ito ipinatupad.

Idinagdag ng alkalde na nasa 90 porsiyento ang sumang-ayon sa cellphone ban sa mga estudyante lang at hindi kasama ang mga guro.

Idinagdag naman ni Gica na hindi dapat maging usapin kung sakaling magkaroon emergency dahil magkakakilala naman ang mga tao dahil maliit lang ang kanilang munisipalidad.

Dahil may cellphone ang mga guro, maaaring tawagan ng mga magulang ang mga guro kung mayroong emergency.

Samantala, sinabi ng Malacañang na maganda ang layunin ng naturang polisiya. Subalit kailangan pa umanong suriin kung ang ipinatutupad na parusa ay angkop at makatwiran.

Kabilang na rito ang pagkumpiska sa cellphone na ibabalik lang pagkaraan ng school year.

Hihingin din umano ng Malacañang ang pananaw ni Education Secretary Sonny Angara tungkol sa cellphone ban.— Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News