Nagtamo ng mga sugat ang isang 13-anyos na estudyante matapos siyang makursunadahan umano ng limang kabataan sa Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City. Ang kaniyang 15-anyos na kasamahan, muntik namang mapuruhan.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang takbuhan ng mga menor de edad Huwebes ng gabi habang nakabuntot sa kanila ang pulisya.
Nanaksak na pala ang grupo ng kabataan ng isang Grade 8 student, na nagpapagaling sa ospital.
Sinabi ng pulisya na tinangka rin ng grupo na saksakin ang 15-anyos na Grade 10 student na kasama ng biktima.
“Siguro, napag-tripan lang ng limang menor de edad. ‘Yung isa, base sa interview, ‘di siya nag-aaral. ‘Yung apat naman is out-of-school youth. Parang magkakabarkada ‘yun,” sabi ni Police Colonel Fermin Armendarez III, Acting Las Piñas Police Chief.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas ng Las Piñas National High School ang dalawang biktima matapos ang klase upang bumili ng inumin.
Hanggang sa bigla na lamang umanong nanggulo ang limang CICL o Children in Conflict with the Law, na humantong sa pag-unday ng saksak sa dalawang biktima.
“Napag-tripan siguro, bigla siyang nasaksak. Tatlong beses 'yung biktima. 'Yung isa naman, bigla sinaksak din ng kasamahan pero hindi natamaan,” sabi ni Armendarez.
Nahuli ng pulisya ang apat na CICL, na kasalukuyan nang nasa Bahay Pag-asa. Nakatakas naman ang ikalima, na tukoy na ng mga awtoridad.
Nahaharap ang mga CICL sa reklamong attempted murder at frustrated murder.
“We are seeking the help of the DSWD for them to evaluate the suspects, to determine discernment. I directed all the substation commanders to coordinate with school administrators para ma-ensure natin 'yung seguridad at safety ng mga estudyante,” sabi ni Armendarez.
Sinabi ng pamunuan ng Las Piñas National High School na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa kanila, tapos na ang school hours nang maganap ang gulo sa labas ng campus.
Nakikipag-ugnayan na rin ang eskuwelahan sa mga kaanak ng mga biktima.
Nagpaalala pa ang eskuwelahan sa publiko na iwasan ang pagbabahagi ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at kalituhan. —Jamil Santos/VBL GMA News
