Nabigo si Alexandra "Alex" Eala na makausad sa quarterfinals ng Wimbledon matapos siyang matalo kontra kay Jasmine Paolini ng Italy, 6-4, 4-6, 6-3, sa Round of 16 nitong Lunes.

Malakas ang naging simula ni Paolini na umabante agad ng 4-1 sa unang set. Nakabawi si Eala nang maipanalo niya ang tatlo sa sumunod na apat na laro kaya naidikit ang laban sa 5-4.

Gayunman, nakabawi si Paolini sa sunod na laro upang makuha ang unang set, 6-4.

Nakabangon naman si Eala sa ikalawang set. Mula sa paghabol sa iskor na 3-2, sunod-sunod niyang nakuha ang tatlong laro upang maagaw ang 5-3 na kalamangan.

Bagama't naipanalo ni Paolini ang sumunod niyang service game upang manatili sa laban, matagumpay na naisara ni Eala ang set sa sarili niyang serve at naitulak ang laban sa deciding third set.

Dikit ang naging bakbakan sa ikatlong set, kung saan nagtabla pa ang dalawa sa 3-3. Ngunit nanaig ang karanasan ni Paolini nang mapanalunan niya ang tatlo sa huling apat na laro upang maselyuhan ang panalo at makausad sa quarterfinals.

Bago ang kaniyang pagkatalo, unang nagwagi si Eala laban kina Renata Zarazúa (6-1, 6-2), Maya Joint (3-6, 6-2, 6-0), at defending champion na si Iga Świątek [7-6(9), 6-2]. Dahil dito, si Eala ang naging kauna-unahang Pinay na umabot sa Round of 16 ng Wimbledon sa Open Era.

Samantala, kasama ni Paolini na umusad sa quarterfinals ang No. 12 seed na si Marta Kostyuk ng Ukraine matapos ang 6-4, 6-4 victory laban kay Ashlyn Krueger.

--FRJ GMA News