Inihayag sa Senate Impeachment Court ng isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroon umanong intensyon, motibo, at kakayahan si Vice President Sara Duterte na isakatuparan ang umano’y banta nito na ipapatay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker ng Kamara na si Martin Romualdez.

Sa ikaapat na araw ng paglilitis nitong Lunes, tumestigo para sa panig ng prosekusyon si NBI-BARMM Regional Director Jeremy Lotoc. Siya ang namuno sa Cybercrime Division ng ahensiya noong 2024, tungkol sa isinagawang imbestigasyon ng NBI kaugnay sa mga pahayag ng Duterte sa isang Zoom press conference noong Nobyembre 23, 2024.

“The NBI, in its analysis, established the intent, motive, and capability of the vice president to carry out the threats she mentioned,” sabi ni Lotoc sa impeachment court.

Idinagdag ni Lotoc, na nagsagawa rin ang mga imbestigador ng open-source investigation upang alamin kung nakapagbigay na rin si Duterte ng mga kahalintulad na pahayag sa ibang pagkakataon.

Ayon sa opisyal, natagpuan nila ang isang press conference ng Office of the Vice President noong Oktubre 18, 2024, na nagpahayag si Duterte na nais niyang “putulin ang ulo” ng Pangulo habang tinutukoy niya si Marcos.

Inalala rin ni Lotoc ang mga pahayag ni Duterte sa online press conference noong Nobyembre 23, 2024.

“Huwag kang mag-alala, ma’am, sa security ko sapagkat may kinausap na akong tao. Ang sabi ko sa kaniya, ‘Pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Marcos, si Martin Romualdez. No joke, no joke. Nagbilin na ako, ma’am. Ang sabi ko sa kaniya, ‘Pag namatay ako, huwag kang tumigil hangga’t ‘di mo sila mapapatay,’ and he said yes,” saad ni Lotoc tungkol sa sinabi umano ni Duterte.

Nagpatuloy si Lotoc sa pagsasabing ilang ahensya ng pamahalaan ang itinuring na seryosong banta ang mga pahayag ni Duterte.

Aniya, ikinunsidera ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga pahayag ni Duterte na isang “active threat.” Habang kapuwa ginamit ng PCO at ng Philippine National Police (PNP) ang salitang “assassin” sa kanilang assessments.

Bago tumestigo si Lotoc, ipinaliwanag ni House private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, ang layunin ng prosekusyon sa pagpapaharap sa opisyal ng NBI bilang saksi.

“Dineklara ng bise presidente na siya ay kumontrata na ng isang tao para patayin ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ang Unang Ginang, at ang dating Speaker ng House of Representatives,” Ligutan said.

Sinabi rin ni Ligutan na layunin ng prosekusyon na ipakita ang desisyon ng NBI na tunay at seryoso ang umano’y mga banta ni Duterte.

Inihayag ni Lotoc na sinimulan ng NBI ang imbestigasyon noong Nobyembre 23, 2024—sa mismong araw na ginawa ni Duterte ang kontrobersyal na mga pahayag sa isang online press conference na ipinalabas sa Facebook page ng dating tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque.

Ayon kay Lotoc, inatasan niya si NBI Senior Agent John Mark Calilung na tiyaking mapapangalagaan ang digital evidence, partikular ang video ng naturang online press conference.

Tinukoy rin ng NBI ang mga tao na naroon sa livestream at nagsagawa ng pagsusuri sa mga pahayag na ginawa ni Duterte, – SHERYLIN UNTALAN/FRJ GMA News