Sa kuha ng CCTV, ilang lalaki ang nakatayo sa gilid ng kalsada sa Barangay Buting, Pasig City, Miyerkules ng madaling araw.
Kitang may itinuturo ang isang lalaki. Isang kasama naman niya ang sumenyas.
Maya-may ilang lalaki ang sumugod sa kanila —at nakipagrambulan!
Sakto namang napadaan ang nagpapatrolyang mga barangay tanod sakay ng tricycle.
Tumawid sila ng kalsada para awatin ang gulo.
Isa sa mga lalaking sangkot sa gulo, ang kumuha ng baril sa sasakyang naka-park sa gilid ng kalsada.
Ang baril, kinuha ng kasama niya, na siya namang nagpaputok.
Hindi nahagip sa CCTV pero tinamaan ang isa sa mga barangay tanod.
Ilang beses pang nagpaputok ang gunman.
Sa gitna ng kalsada, isang lalaki naman ang pinagtulungan at pinagpapalo sa ulo ng gunman gamit ang baril.
Ang binaril na tanod, nakatawid pa sa nakaparadang barangay patro pero 'di na siya nakasakay at humandusay na sa gilid ng kalsada.
Ilang minuto makalipas, dumating ang isang motorsiklo, umangkas ang gunman at isa pang lalaki, saka sila tumakas!
Ang binaril na tanod, isinakay sa pickup ng ilan sa mga sangkot sa rambulan.
Dinala siya sa ospital at sinubukang i-revive, ayon sa barangay.
“Tumama raw sa isang vital organ, lumusot sa likod yung bala saka may isa lang bala na tumama sa paa na nandun pa yung slug. Mabilisan lang, wala pang isang oras binawian na siya ng buhay,” sabi ni ni Jigs Servillon na Chairman ng Brgy. Buting.
Base sa imbestigasyon, taga-Taguig ang dalawang grupong sangkot sa insidente.
“Nakainom pareho sila, nagkakursunadahan, nagkatitigan, masama raw tumingin, dun na nauwi sa away,” sabi ni Servillon.
Hustisya ang gusto ng mga naulilang magulang ni Marlon Sabandal na 13 taon na raw nagtatrabaho bilang isang barangay tanod.
“Ang anak ko napakabait na tao, naglilingkod lang sa bayan. Siya lang ang aming sandigang mag-asawa dahil siya lang ang nagtatrabaho sa amin tapos pinatay mo pa siya. Sana mahuli ka! At makulong ka!," sabi ni Rachel sabandal, ina ng nasawing biktima.
Dalawa sa mga suspek na kagrupo ng gunman ang naaresto ng pulisya.
Wala silang pahayag.
Tinitingnang susi para matunton ang iba pang sangkot, ang naiwang sasakyan kung saan kinuha ang baril na ginamit sa insidente. —VAL GMA News
