Cute at nakakatuwa man sa paningin, nagdadala naman ng panganib ang mga ligaw na pusa sa mga endemic species sa Mount Apo dahil sa pagiging “natural hunters” ng mga ito. Paano kaya matutugunan ang naturang problema?
Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” ipinaliwanag ni Doc Ferds Recio na hindi native o likas na naninirahan sa Pilipinas ang mga domestic cat o felis catus.
Batay sa tala ng mga arkeologo at historians, pinaniniwalaang nakapasok ang domestic cats sa Pilipinas dahil sa maritime trade network o kalakalan bago pa dumating ang mga Espanyol.
Dahil madalas na may sakay na mga pusa ang mga barko pang mataboy at makontrol ang pagdami ng mga daga, naging stray o pagala-gala ang iba.
Kaya naman ayon sa DENR, nagiging problema na ang paggala ng mga feral cat dahil sa paghuli ng mga ito ng wildlife sa kabundukan.
“The cats are not supposed to be in this area. Ito, protected area ‘yan, maraming mga endemic species dito. They're natural hunters. Baka mga iba diyan, hindi pa natin nado-document ma-extinct na sila,” sabi ni Doc Ferds.
Kuwento ng isang namahala sa lugar, dating puno ng ground birds sa lugar pero nawala umano ang mga ibon dahil sa mga pusa.
Sabi naman ni Atty. Heidi Marquez - Caguioa, President and Program Director ng Animal Kingdom Foundation, “Wala naman talaga tayong true feral cats in the Philippines. Itong mga cats na ito, either dala ng mga settlers or communities around Mount Apo. Since they are naturally also predators, at doon na nga sila nag-stay dahil napaka-rich ng biodiversity ng Mount Apo, kailangan meron po tayong programa to protect the wild and remove the unnatural predators in the area.”
Nakadagdag pa sa pangamba na kayang manganak ng mga pusa ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang taon.
Batay sa tala ng Protected Area Management Office sa Mount Apo Natural Park, tinatayang aabot sa 30 pusa ang pagala-gala sa bundok.
Tunghayan sa “Born To Be Wild” ang paghuli ng team nina Doc Ferds sa dalawang pusa sa Mount Apo na pareho pa man din na babae. Ano kaya ang gagawin sa kanila? Panoorin ang buong pagtalakay sa video. – FRJ GMA News
