Arestado ang isang 56-anyos na school principal sa Abra matapos siyang iturong suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang babaeng guro sa Tayum noong nakaraang Mayo. Hinala ng pulisya, nagtanim ng galit ang suspek laban sa biktima na plano siyang ireklamo dahil sa pakikipagrelasyon sa menor de edad na anak ng guro.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing natukoy ang suspek dahil sa mister ng biktima na nakaligtas sa pamamaril.
Ayon sa pulisya, inaresto ang punong-guro matapos maglabas ang hukuman ng warrant of arrest laban sa suspek.
Binaril at napatay ang biktima sa Barangay Bumagcat noong Mayo 8, 2026. Nakaligtas ang mister ng guro at nakilala niya ang namaril sa kanila.
"Natukoy ang suspek sa pamamagitan ng kaniyang mister. Kasi siya ang nakakita sa suspek noong binaril sila… Paglabas ng kaniyang warrant, doon namin ikinasa 'yung paghuli sa kaniya," ayon kay Acting Tayum Police Station chief, Police Capt. Cerel Gaspili.
Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na nagtanim umano ng galit ang suspek sa biktima matapos nitong planuhing magsampa ng reklamo laban sa punong-guro.
Ayon sa pulisya, nadiskubre ng biktima na may relasyon ang suspek sa 15-anyos na anak na babae ng guro.
Idinagdag ng pulisya na lumalabas na 12-anyos pa lang ang dalagita nang magsimula ang pakikipagrelasyon umano rito ng punong-guro.
Samantala, inaalam na rin ng pulisya ang motorcycle rider na pinaniniwalaan na tumulong sa suspek sa paggawa ng krimen.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang suspek na naaresto. – FRJ GMA News
